Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tuloy ang laban para sa edukasyon at trabaho

0 127

Ikaanim ng Oktubre noong taong 2015 nang ipahayag po natin sa Cuneta Astrodome sa Pasay City ang layunin nating mag-aplay ng trabaho para maging kinatawan ninyo sa Senado.

Ninais po nating palawakin pa ang papel ng tech-voc sa paglikha ng trabaho base sa karanasan natin bilang Kalihim ng TESDA mula 2010 hanggang 2015.

Dahil po sa suporta ng 18,459,222 mga Pilipino, nadala po natin sa Senado ang laban para sa Trabaho, Edukasyon, Serbisyo, Dignidad at Asenso para sa bawat Pilipino.

Hindi po magiging posible ang pagtatatag ng “Tulong-Trabaho Fund” na ating isinulong sa ilalim ng Republic Act No.11230 para sa mga training na swak sa mga trabaho sa mga bagong industriya kung hindi po n’yo iniluklok sa Senado ang inyong Tesdaman.

Sa nakaraang anim na taon, mahigit walumpu’t dalawang mga Republic Act po ang ating inakda, karamihan ay para sa kapakanan ng mga manggagawa tulad ng “Work From Home Law”, “Job Safety and Health Standards Law”, at “First Time Jobseekers Assistance Law”, at maraming iba pa.

Ang deka-dekada nang hiling ng mga manggagawa ay naisakatuparan din po natin tulad ng isinulong nating “100% Distribution of Service Charge to Workers Law” at ang “End of ENDO Bill” na sa kasamaang palad ay na-veto lang po ng Pangulo.

Nagbukas din po ng mga bagong oportunidad ang mga isinulong nating batas pang-edukasyon tulad ng “Philippine Qualifications Framework o PQF Law” na magsisilbing hagdan ng mga Pilipino para maabot ang mga kwalipikasyong katumbas sa standard at antas ng sahod sa ibang mga bansa.

Kahit po sa kasagsagan ng pandemya, hindi po tayo nagpatinag para ipasa ang “Doktor Para sa Bayan Law” na dahilan kung bakit libre na ang pag-aaral ng medisina at may garantisadong trabahong naghihintay sa mga iskolar sa mga pampublikong ospital.

Napakabigat na tungkulin rin po ang nakaatang sa atin bilang “arkitekto” ng itinatayong “Department of OFWs” kung saan mahigit 10-milyong Pilipinong nasa ibang bansa ang makikinabang.

Related Posts

Sinikap po nating maibigay ang pinakamataas na antas ng paglilingkod bilang inyong mambabatas sa kabila ng mga pait at dagok na ating naranasan dahil sa magkasunod na pagpanaw ng aking ina at kapatid noong isang taon.

Ang mga pighating naranasan po natin ang lalong nagmulat sa ating mga mata sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan at napakahirap po nitong ipagsawalang-bahala ngayon.

Hindi po naging madali ang desisyong sumabak muli sa laban habang nagdadalamhati at sariwa pa ang mga sugat sa puso ng aming buong pamilya subalit mas mabigat pa rin po talaga ang tawag ng ating misyon kesa sa sakit na ating nadarama.

Dahil na rin po sa pag-uudyok ng aking ama na si Bro. Eddie Villanueva, tinanggap po nating muli ang hamon dahil hindi rin po tamang iwanang nakabinbin ang iba pa nating sinimulang laban para sa digital career, enterprise-based training, emergency employment program at mga sinimulang reporma sa sistema ng edukasyon at training sa bansa.

Ngayon pong darating na ika-6 ng Oktubre 2021 muli po tayong magsusumite ng ating kandidatura sa COMELEC para sa ikalawang termino sa Senado at upang maipagpatuloy po natin ang laban lalo na po para sa edukasyon at trabaho na susi natin sa pagbangon sa COVID-19.

Higit sa lahat, napakahirap pong talikuran ng ating “calling” na nagkaroon ng kaganapan mula pa noong 2002 kung saan naging pinakabatang miyembro po tayo ng Kongreso bilang kinatawan ng CIBAC Party List.

Bahagi na rin po ng ating buhay Kristiyano ang serbisyo publiko at wala pong tao, bagay o anumang pangyayari ang makakahadlang para patuloy nating gawin ito lalo na po kung magbibigay ito ng lalong kapurihan sa ating Panginoong Diyos.

Maraming salamat po sa inyong suporta at sa patuloy na pagsama sa bawat laban at pag-aksyon sa Senado ng inyong Tesdaman.

Leave A Reply

Your email address will not be published.