Una sa Balita

Tulong sa Batangas

0 508

At nag-alboroto na nga ang Bulkang Taal na maaaring may hawak ng record bilang “most photographed” volcano sa Pilipinas. Walang turistang napunta sa Tagaytay ang hindi huminto sa mga gilid ng highway o restaurants para kumuha ng picture o mag-selfie kasama ang Taal volcano.

Ngayong nagparamdam ng bangis ang ­bulkan, hindi lang Pilipino at mga turista ang kumukuha ng litrato – pati mga scientists, meteorologists at international media.

Apektado ang aming probinsyang Batangas sa pasiklab ng bulkang Taal.

Inilagay na nga sa state of calamity ang ­buong probinsya sa lawak ng pinsalang ­idinudulot nito tatlong araw ­buhat nang magbuga ng abo at lava fountain, na ­umabot hanggang sa Metro ­Manila at kalapit na probinsya ang ashfall.

Kasalukuyang abala kami ni Vi at mga kasamang volunteer sa pag-empake at pag-distribute ng relief goods upang ipamahagi sa mga lumikas na Batangueno sa kanilang mga tirahan patungo sa mga evacuation center. Patuloy rin ang pagkalap natin ng mga report sa ­lawak ng pinsala, bilang ng mga taong naapektuhan at mga ­kinakailangang tulong upang maging mabilis at direkta ang tulong na maipahatid natin sa kanila.

Nagpapasalamat tayo na sa pinakahuling ulat na tinanggap namin mula sa PNP Batangas, walang nasawi at hindi grabe ang mga nasirang ari-arian sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Pinaka-apektado ng pagputok ng bulkan ang Laurel, San Nicolas, ­Talisay, Tagaytay, Agoncillo, Balete at Lemery. Halos hindi naman madaanan sa kapal ng usok, abo at poor visibility ang mga kalsada sa Talisay, Laurel at Agoncillo.

Sa ngayon ay may 23 evacuation centers sa mga lugar na kalapit ng bulkang Taal at aming mino-monitor ang kalagayan at pangangailangan ng halos 7,000 pamilya sa mga nasabing lugar.

Walang kuryente sa ilang lugar sa mga muni­sipalidad ng Laurel, Balete, Malvar, Tanauan at Talisay, at sumabay rin ang pagkawala ng supply ng tubig.

Sana ay hindi na humigit pa sa alert level 4 ang Bulkang Taal at unti-unti na itong humupa makaraang magpakitang gilas at magpasingaw ng init.

Sa gitna ng ganitong kalamidad at trahedya, lumutang naman ang bayanihan at kabutihang loob ng mga tao. Mula sa mga nagbukas ng kanilang tahanan para sa mga evacuee; sa mga nag-donate ng pagkain, tubig, kagamitan at face masks; sa mga good ­samaritan na huminto sa kalsada upang magsakay ng mga stranded na taong nais lumikas; hanggang sa mga nagbigay ng libreng tubig upang malinis ang windshield at maging ligtas ang pagbiyahe ng mga sasakyan.

Salamat sa tulong ninyo sa ating mga kababayan sa Batangas, kaagapay ang gobyerno, mga pulis, LGUs, military, DSWD, DOH, Phivolcs, NDRRMC, pati pribadong personalidad, samahan at kumpanya. Maraming salamat po sa inyong suporta at tulong. Mabuhay kayong lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More