Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tulong pinansyal at bakuna para sa tourism frontliners

0 37

Bukod sa mga magagandang destinasyon, ang mga tourism frontliner ay maituturing na importanteng haligi ng turismo. Sila ang mga nakakahalubilo natin sa mga terminal, airport, resort, at hotel. Kasama rin ang mga tour guide at tour operator na naniniguro ng ating kasiyahan at kaligtasan sa mga tour. Kung wala sila, hindi magkakaroon ng maayos na karanasan ang mga turista sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nitong mga nakaraang buwan ay marami akong nakilalang tourism frontliners na talaga namang dedikado sa kanilang trabaho. Malaking pagbabago ang kanilang hinarap dahil sa pandemya pagka’t ang numero unong priyoridad ngayon ay ang kaligtasan at kalusugan ng lahat. Pansamantalang tumigil ang turismo para maiwasan ang pagkalat ng virus at dahil dito, marami rin ang nawalan ng hanapbuhay. Hindi man inaasahan ang pangyayaring ito, tiniyak ng tanggapan na hinding-hindi nito pababayaan ang ating tourism frontliners.

Sa pamamagitan ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, nakipagtulungan ang DOT sa Department of Labor and Employment (DOLE) para isagawa ang Financial Assistance o Cash-for-Work program para sa displaced tourism workers.

Pwedeng mag-apply sa assistance program ang mga DOT-accredited at LGU-Licensed Tour Guides, mga empleyado ng mga hotel o resort, at mga miyembro ng mga rehistradong Community-Based Tourism Organizations.

Naisama na rin sa mga kwalipikadong makatanggap ng tulong pinansyal ang mga tricycle at habal-habal drivers, mga bangkero o di kaya mga bus o jeepney drivers, mga fast-food workers at mga nag tratrabaho sa eateries, kapihan, bakery at kahit ang mga food vendor at food producers basta’t operasyon nila’y matagpuan sa isang tourist spot.

SM food to go Banner Ad

Sa huling tala nitong ika-24 ng Marso, mayroon ng 307,947 tourism workers na inaprubahan ng DOLE bilang benepisyaryo ng programa. Sa kabuuan, 1.5 billion pesos na ang halagang ibibigay sa apektadong tourism workers sa buong bansa.

Bukod sa Financial Assistance at Cash-for-Work program, bakuna laban sa COVID-19 ang isa pang tulong na nais ibigay ng tanggapan sa lahat ng tourism frontliners. Nagpapasalamat ako kay COVID Task Force Chief Secretary Carlito Galvez Jr. dahil naaprubahan ang tourism frontline service personnel ng mga airport at quarantine hotel bilang kasama sa Priority Groups ng vaccination program.

Humiling din ang tanggapan na palakihin pa ang saklaw ng priority list para maisama ang mga tour guide, operator, at iba pang accredited workers at service providers. Hindi lamang proteksyon ng mga indibidwal ang hatid ng bakuna; panangga din ito laban sa pagkalat ng virus sa mga tourism destination na kinasasabikan nang mabalikan ng nakararami.

Hindi titigil ang DOT sa layunin nitong unti-unting buhayin muli ang turismo sa bansa. Sa tulong at kooperasyon ng mga kasamahan natin sa mga LGU, mga tourism establishments at frontliners, at maging ng mga ordinaryong Pilipinong sumusunod sa minimum health and safety protocols, nawa’y maibalik natin ang dating sigla ng turismo at makitang muli ang ganda ng Pilipinas.

Hanggang sa muli, mag-ingat tayong lahat at wag kalimutang mag-suot ng face mask at face shield, mag-hugas ng kamay, at panatilihin ang distansya para iwas sa sakit.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.