Una sa Balita

Tulong panghanapbuhay

By
0 2,267

Taong 2014, sini­mulan po ng gobyerno ang pagpapatupad ng TUPAD o ang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers”.

Para po ito sa mga unemployed, lalo na ‘yung mga natanggal sa trabaho, mga seasonal worker at nawalan ng hanapbuhay dahil sa kalamidad.

Sa programang ­TUPAD, pagkakalooban po sila ng pan­samantalang trabaho na hindi bababa sa 10 araw at hindi lalampas sa 30 araw. Makakatanggap ang mga bene­ficiary ng suweldong katumbas ng umiiral na minimum wage sa kanilang lugar.

Ilan po sa mga trabaho ang pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad tulad ng pag­lilinis ng mga kalsada, pagkukumpuni ng mga paaralan at health center, paggawa ng mga material recovery facility, construction ng farm-to-market road, pagmamando ng trapiko, tree planting, reforestation, atbp.

Katulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa paghahanap ng mga TUPAD beneficiary ang mga peoples’ at workers’ organization, kooperatiba, simbahan at pribadong sektor. May sinusunod pong guideline at kung kwa­lipikado ang inyong orga­nisasyon, maaari ka­yong makipag-ugnayan sa DOLE para makatuwang sa pagpapatupad ng programa.

Binibigyan po ng seminar ang mga mapipili sa TUPAD at pagkakalooban din sila ng personal protective equipment para sa kanilang kaligtasan sa trabaho. May ibinibigay ding micro-insu­rance premium sa mga manggagawa.

Pagkatapos ng 10 araw o higit pa depende sa uri ng trabahong mapapasukan, agad ding makukubra ang kabuuang suweldo. Nasa P5,000 rin po ang matatanggap sa 10 araw na emergency employment. Maaari ring makakuha ng libreng training sa TESDA pagkatapos ng trabaho sa TUPAD.

Patuloy po ta­yong nakikipagtulu­ngan sa DOLE para sa ­implementasyon ng ­TUPAD sa iba’t ibang lugar sa bansa lalo na sa NCR, Bulacan, Marinduque, Panga­sinan, Davao, Bicol, La Union, atbp. Sa mga interesado, maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating opisina.

***

Noong Abril 6, 2017, nasunugan sa Tondo ang pamilya ni Gng. Beth Roman kasama ang 96 na iba pa. Naipasok po natin silang lahat sa TUPAD. Sabi ni Gng. Roman, nagamit nila ang kinita sa TUPAD sa pagbili ng mga materyales para makapagpatayo ng mga bagong bahay.

Nang mawalan naman ng hanapbuhay si G. Lloyd Nerio ng Caloocan, naipasok din natin siya sa TUPAD. Ang kanyang kinita, ipinagpatayo niya ng sari-sari store kung saan niya kinukuha ngayon ang ikinabubuhay ng kanyang pamilya.

Ginagawa po natin ang lahat para mabigyan ng trabaho o pagkakakitaan ang ating mga kababayan. Isang hakbang po ang TUPAD para sa mga kababayan nating walang trabaho para muling bumangon at tuparin ang kanilang pag-asenso.

***

Job Opening sa PhilJobNet

Narito po ang bilang ng mga job vacancy mula sa PhilJobNet kung saan makakapag-apply din kayo online. Ilan lamang po ito sa 5,488 job opening ngayong linggo mula sa 2,328 kumpanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Call Center Agent – 649
Service Crew – 525
Customer Service Assistant – 354
Heavy Equipment Operator – 303
Mason – 200

Job Fair Schedule
2nd Kaisa Festival Mega Job Fair 2018
Activity Center Magic Star Mall, Tarlac City
January 16

Muñoz Job Fair
Muñoz Central School Gym, Tobias St., Poblacion South, Muñoz, Nueva Ecija
January 17

E-mail: senatorjoelvillanueva@yahoo.com