Una sa Balita

Tulong-Negosyo mula sa DOST

0 456

Noong isang linggo, dinipensahan po natin sa Senado ang panukalang budget ng Department of Science and Techno­logy o DOST para sa susunod na taon, 2020.

Umaabot po sa mahigit P20 bilyon ang gugugulin para sa iba’t ibang proyekto, prog­rama at aktibidad ng ahensya na naglalayong palakasin ang agham at teknolohiya sa bansa.

Isa po rito ang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SET-UP na programang nagbibigay ng puhunan sa mga maliliit na negosyo o micro, small and medium enterprises (MSME).

Kabilang po sa mga maaaring makakuha ng tulong ang mga negos­yong may kinalaman sa food processing, furniture, handicraft, metal fabrication, aquaculture and marine, agriculture, pharmaceutical at information and communications technology o ICT.

Wala pong interes ang ilalaang financial package ng DOST na magagamit sa pagbili o pagpapaunlad ng teknolohiya o equipment para mapataas ang productivity ng negosyo gayundin para sa packaging at labelling ng produkto, product testing, laboratory analysis, at iba pa.

Isa po sa mga natulungang negosyo ng SET-UP sa pamamagitan ng packaging innovation si Thelma Pepito, may-ari ng ‘Nanay’s Special Bibingka’ sa Butuan City, Agusan del Norte. Dahil sa bagong pamamaraan sa packaging, nakakapag-supply na siya ngayon ng produktong bibingka sa mala­laking establisimyento sa Caraga.

Nakautang din po sa SETUP nang walang interes si Trisha Castrodes na may-ari ng Aretei Food Corporation. Dahil sa SET-UP, nakabili si Trisha ng mga oven at iba pang equipment sa pagluluto kaya lumaki ang produksyon n’ya ng brownies, cookies at cake at nakakapag-export na ngayon.

Dahil sa training at technology acquisition support mula sa SET-UP, tumaas naman ng 300 porsiyento ang production capacity nina Cris­pin at Maria Luz Muyrong ng Sunlight Food Corporation na gumagawa ng mga sweet preserve gaya ng langka, ube at macapuno.

Napakaimportante po ng mga bagong teknolohiya sa pagnenegosyo dahil mapapababa nito ang gastos sa produksyon, mapapataas ang kita ng kompan­ya, at makakapagbigay pa ng trabaho sa ating mga kababayan.

Kaya buong-buo po ang binigay nating suporta sa panukalang mahigit P800 milyong budget para sa SET-UP sa susunod na taon. Noong 2018, nasa 772 mga MSME po ang natulungan ng SET-UP habang may 363 na po ang nabigyan ng ayuda sa unang anim na buwan ng 2019.

Kung susumahin ang mga Tulong-Negosyo ng DOST kabilang ang SET-UP mula 2016 hanggang ngayong taon, mahigit 48,000 na mga MSME na po ang nakinabang at nagbigay daan din para makalikha ng 200,000 trabaho para sa ating mga kababayan.

Kung nais n’yo pong makakuha ng Tulong-Negosyo mula sa DOST, maaari po kayong gumawa ng project proposal at isumite ito sa pinakamalapit na regional office ng ahensya.

Miyembro pa lang po tayo ng Kamara bilang kinatawan ng CIBAC Party-list, tinutukan na natin ang programang SET-UP ng DOST. Kaya nagagalak po tayo na hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang programa at nagbibigay ng oportunidad, trabaho, at masayang pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan.

Job Fair Schedule:

Taguig Job Fair—City Hall Auditorium—November 18
Baliuag Job Fair—Star Area, Pagala, Baliuag, Bulacan—November 19
Marilao Job Fair—Northville Elementary School—Lambakin, Marilao, Bulacan—November 20
24th Pyagsawitan Festival Job Fair—Maragusan, Compostela Valley—November 21
PESO Bataan Job Fair—Bagac, Bataan—November 22

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy