Una sa Balita

Tulong na pangmatagalan para sa Pateros

By
0 331

Napakahirap maghanap ng trabaho sa panahon ngayon lalo na para sa ating kababayang nasa laylayan. Ito ang karaniwang problema ng mga nakakausap namin sa pag-iikot para sa Angat Buhay program ni VP Leni Robredo. 

Madalas sa mga nakakausap namin, walang maayos at regular na trabaho ang problema kaya lalong nagiging mahirap ang buhay. Dahil walang pera, lahat ng aspeto ng pang-araw-araw na pamumuhay ay apektado. 

Nitong nakaraang linggo, bumisita si VP Leni sa Pateros para magpamahagi ng seed capital para sa mga nagmamay-ari ng sari-sari store. Ito ay para mapalago pa nila lalo ang kanilang negosyo. Ngunit hindi ito basta binigay na lang sa mga benepisyaryo.

Ang mga nakatanggap ng seed capital ay ang mga naging bahagi ng proyekto na pinamunuan ng mga Angat Buhay partner katulad ng Hapinoy.

Sa proyektong ito, isinabak sa training ang mga sari-sari store owner ng Pateros para maturuan sila kung paano magnegosyo ng maayos at kung paano nila maaring mapalago ang kanilang tindahan.

Dito, dumaan sila sa anim na module para sa financial literacy, lea­dership, basic research market, business continuity planning, disaster preparedness, at family dynamics and development. 

“Nag-training kami. Linggo-linggo ang trai­ning. Natuto kami kung paano mag-ipon. Paano mag-compute, kunwari kung may utang ka, kung magkano na kinikita namin. Natuto kami kung iyong pinamimili namin, kulang ba o sapat ba. Natuto kami mag-adjust,” kuwento ni nanay Rhea Manalili, isa sa mga sari-sari store owner na dumaan sa training. 

Gaya ng kuwento ni nanay Marilyn Macasinag. Isa rin siyang sari-sari store owner at benepisyaryo ng proyekto na sinabing, “Construction worker po ang asawa ko. Kulang ang kinikita namin sa araw-araw kaya nagsisikap po akong magtinda sa sari-sari store para may pang dagdag na gastusin sa bahay.”

“Parehas na po kaming nagtatrabaho ng asawa ko kaya lang kahit may trabaho po, lampas po sa budget ang gastos namin. Dalawa po sa anak ko ang nag-aaral, ang isa magco-college na. Ang isa, grade 4,” dagdag niya. 

“Noong nakatanggap po kami ng pandagdag, malaking tulong po ito para sa aking pamilya dahil kailangan ko po ng dagdag puhunan para makapagtuloy po ng a­king sari-sari store,” kuwento ni nanay Marilyn. 

Sabi kasi ni VP Leni, “Ayaw po namin iyong tulong na pagkatapos ng ilang araw, ubos na. Kaya iyong aming parang pondo na puwede na­ming itulong, gusto naming itulong sa pagnegosyo para kahit kaunti siya, kayang palaguin.”

“Kasi kung iyong amount pong ibibigay sa inyo hindi pangnegosyo, siguro isang buwan, ubos na. Pagkatapos, hihingi na naman ng tulong. Pero kaya ibibigay lang natin ito na graduate na kayo kasi kampante na kami, kampante kami na mapupunta sa mabuti,” dagdag niya.

Ito talaga ang layunin ng Angat Buhay program — makatulong pero hindi simpleng dole out lang. At base naman sa mga nakakuwentuhan namin, mukhang nagagawa naman natin. 

Parang sabi ni nanay Rhea, “Maganda ang naitulong sa amin, parang binigyan kami ng kaalaman pa sa pagha­hanapbuhay. Ngayon alam na namin kung bakit may kailangang ipon.”

Sa pamamagitan ng Angat Buhay ni VP Leni, patuloy tayong magiging daan para mapalakas ang kakayahan ng mga nasa laylayan, para sila mismo ang makapagpabago ng kanilang buhay. Sa ganitong paraan, ang mga tulong na hatid natin, gaano man kasimple o kaliit, laging malayo ang mararating.