Una sa Balita

Tulong na kaagapay ng TRAIN

By
0 717

Bago pa man ako naging lingkod-bayan ay nagtrabaho ako bilang abogado. Isa sa aking naging kliyente ang isa sa pinakamala­king grupo sa hanay ng mga tsuper at operator sa bansa.

Kaya naman nitong mga nakaraang buwan ay regular akong nakakatanggap ng mga mensahe sa Facebook at maging sa text, ukol sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ipinarating sa akin ng mga aking dating kliyente ang pangamba nila na sa pagtaas ng presyo ng gasolina ay gayon naman ang pagbaba ng kita nila sa araw-araw.

Para mapawi ang pangamba ng mga tsuper ay ilulunsad ng administrasyong Duterte ang Pantawid Pasada Program, sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr). Lahat ng public utility­ jeepneys (PUJs) na may valid o lehitimong prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay awtomatikong masasama sa Pantawid Pasada Program.

Makakatanggap ang mga valid PUJ franchise holders ng subsidiya na humigit kumulang na P5,000 para sa unang yugto mula Hulyo hanggang Disyembre 2018.

Hindi naman mahihirapang makuha ang subsidy sapagkat ipamamahagi ito sa pamamagitan ng Fuel Subsidy­ Card. Ang distribusyon ng mga cards ay inaasahang masimulan sa susunod na buwan.

Bunga rin ng TRAIN Law ay ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapatupad ng Unconditional Cash Transfer Program o UCT. Sini­mulan na ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD) ang pamamahagi nito.

Sa ilalim ng nasabing programa, sampung milyong pamil­yang Pilipino at mga indigent senior citizen ang makakatanggap ng benipisyo mula sa DSWD. Kasama sa bilang na ito ang 4.4 mil­yong kabahayan na ga­ling sa 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, tatlong mil­yong indigent senior citizen at 2.6 milyong kabahayan na galing sa listahan ng DSWD.

Sa katunayan ay nakapaglabas na ang DSWD ng mahigit sampung bilyong piso mula sa UCT funds at ito ay sinimulan nang ipamahagi sa 4.4 mil­yong pamilyang benepisyaryo ng 4Ps sa buwang ito. Nagsi­mula tayong magbigay ng ayuda sa ating kababayang maralita noong Marso at tinatayang matatapos sa buwan na ito.

Samantala, ang payout para sa mga indigent senior citizen ay magsisimula rin nga­yong buwan. Sisimulan ito sa Region 3 at susunod sa iba pang mga rehiyon.

Tinatayang matatapos ang pamamahagi sa social pensioners sa katapusan ng susunod na buwan.

Para naman sa mga nasa listahan ng DSWD, mahigit dalawang mil­yong kabahayan o 86.8% na na-validated noong Hunyo 5. Ang validation ay tinatayang matapos din ngayong buwan at ang mga payout naman ay magsisimula mula Agosto hanggang Setyembre ngayong taon.

Tanda lamang ito na patuloy na isinasaalang-alang ni Pa­ngulong Duterte ang kapakanan ng mga mahihirap nating kababa­yan. Layunin ng pamahalaan na maingat sa kahirapan ang ordinaryong mamamayan.