Una sa Balita

‘Tulak’ tigbak sa buy-bust

By
0 1,198

Tumimbuwang at namatay ang umano’y isang drug pusher nang barilin ito ng kasamahan ng pulis na kanyang binaril habang nagsasagawa ng buy-bust operation sa Valenzuela City, Linggo ng gabi.

Sa pahayag ni P/Chief Inspector Jowilouie Bilaro, head ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay P/Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang nasawi na si Allan Trongkoso, 34, ng Barangay Balubaran ng nasabing lungsod.

Base sa rekord ng SDEU kabilang si Trongkoso sa kanilang drugwatch list at kilalang tulak ng droga sa kanilang lugar.

Bandang alas-siyete ng gabi, ikinasa ang buy-bust operation sa pangunguna nina SPO1 Roberto Santillan at PO3 Antonio Arpis na siyang nagpanggap na poseur buyer sa kahabaan ng MacArthur Highway, Barangay Balubaran, Valenzuela City para umiskor ng shabu sa suspek.

Iniabot ni Trongkoso ang iligal na droga kay Arpis, pero nakatunog daw ang una na pulis ang kanyang katransaksiyon, kaya binaril niya ito.

Sa kabutihang palad, nasalag ng pulis ang bala at kanang braso ito nasugatan.

Sa pangyayaring iyon, binaril sa dibdib ni SPOI Santillan si Trongkoso na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Narekober sa suspek ang cal. 38 pistol at ilang pakete ng shabu.