Una sa Balita

Tulak nanlaban sa parak todas

0 63

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang diumano’y tulak ng droga na nanlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa labas ng isang chapel sa Biñan City, Laguna kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang suspek na si Garry Tatad Molina.

Batay sa report ng Biñan City police, dakong alas-11:30 nang gabi ng magsagawa ang mga pulis ng buy-bust operation laban sa umano’y drug pusher na si Romeo Gutierrez, sa harap ng Old Aglipayan Church sa Brgy. Poblacion.

Subalit ang lumabas para makipagtransaksiyon sa mga pulis ay si Molina habang nasa di kalayuan si Gutierrez.

Nasa kalagitnaan ng deal ng mabulabog ang mga suspek matapos magbukas ng ilaw ang isang kapitbahay at nailawan ang mga nagtatagong pulis.

Biglang nagbunot ng baril si Molina at pinagbabaril ang mga pulis habang tumatakbong papalayo.
Gumanti naman ang mga pulis at nasapol ito na bumulagta sa harap ng chapel.

Nakatakas naman ang target ng operasyon na si Gutierrez matapos na ito ay lumusot sa isang sikretong butas sa pader.

Nakumpiska sa nasawing suspek ang isang kalibre 45 baril, 12 sachet ng shabu at isang timbangan. (Ronilo Dagos)