Una sa Balita

Tulak bulagta sa Sampaloc buy-bust

By
0 322

PATAY ang isang hinihinalang ‘tulak’ ng ipinagbabawal na droga nang manlaban sa isinagawang buy-bust operation, kahapon nang madaling-araw sa Sampaloc, Maynila .

Kinilala ng Manila Police District-Police Station 4 (MPD-PS4), ang nasawing suspek na si Roberto Lumibao, alyas ‘Ugat’, 49, at residente ng 1453 Antipolo St., malapit sa kanto ng Simoun St. sa Sampaloc, na nasawi dahil­ sa tama ng bala sa iba’t ibang ­bahagi ng katawan.

Naganap umano ang insidente­ dakong alas-12:10 nang madaling-­araw matapos magkasa ng buy-bust­ operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-PS4, sa pangu­nguna ni P/Chief Insp. Christian Dee Cacho, laban sa suspek, malapit sa kanyang tahanan.

Sa kasagsagan ng transaksyon ay nakahalata naman ang suspek­ na mga pulis ang kanyang ‘kli­yente’ kaya’t tumakbo ito papasok sa kanyang tahanan para kumuha ng baril at kaagad na nagpaputok sa direksiyon ng mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga alagad ng batas, na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Naisugod pa sa Ospital ng Sampaloc si Lumibao pero ‘di na umabot ng buhay.

Nakuha ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may apat na bala, P500 na buy-bust money at tatlong sachet ng hinihinalang shabu. ­