Una sa Balita

Tuklasin ang misteryo sa Sagada

0 347

Kamusta na mga ka-Trip Mo, Trip Ko? Tulad ng aking naisulat noong nakaraang Sabado ay bibigyan ko kayo ng mga puwede ninyong masama sa inyong bucket list na maari ninyong puntahan sa darating na bakasyon o tag-init.

Dadalhin ko naman kayo ngayon sa malamig na lugar dito sa Pilipinas kung saan swak ito sa mga sawa nang maligo sa mga beach resort dahil dito sulit din naman ang inyong magiging bakasyon dahil na rin sa ganda ng lugar.

Tara na at samahan ninyo sa lugar kung saan puwede tayong magpalamig sa summer!

Alam ko na madami pa sa inyo ang hindi pa nakakapunta ng Sagada dahil na rin sa layo nito. Ang karamihan ay nananatili na lamang sa Baguio. Pero para naman maiba tayo, alam ninyo ba na maganda na ang daan papuntang Sagada? Oo mga ka-Abante, hindi na ito katulad dati na tagtag tayo bago pa man makarating dito kaya naman kung kayo ay may sariling sasakyan mas madali na ang pagpunta rito. At meron na rin kayong masasakyang bus sa Manila diretso dito.

Pagpunta namin sa mismong bayan ng Sagada sobrang ramdam mo na ang lamig dito, at masasabi mong napakasariwa ng hangin maging ang mga pagkain.

Huwag din kayo mag-alala dahil may mga transient house dito na siguradong tama sa inyong budget.

Bukod sa tanawin gusto kong ibahagi sa inyo ang talagang dinarayo din ng mga turista rito. Ito ay ang misteryong hanging coffins na matatagpuan sa Echo Valley. Totoo ang inyong nababasa! Mga kabaong na nakatali sa gilid ng bundok. Ito ay ang mga kanununuan ng mga Igorot na may tandang 2,000 taon na. Kung makikita ninyo ito ay talagang kikilabutan kayo pero mamangha din kayo sa husay ng paggawa nito na napreserba nila ng dekadang taon.

Bakit nga ba ito nakatali sa gilid ng bundok? Ito ay dahil sa paniniwala pa ng mga sinaunang tribo ng mga Igorot dito, para raw mapadali ang pagpasok nila sa kalangitan dapat ito raw ay nakasabit sa mataas na parte ng kabundukan. Pero may mga nagsasabi din naman na kaya ito naka-hang ay para maprotektahan ang mga bangkay ng kanilang mahal sa buhay laban sa mga mababagsik na hayop at mga tao noong sinaunang panahon.

Ang tradisyunal na sukat ng kabaong nila noong sinaunang panahon ay 3ft. lamang ang haba, kaya naman magtataka kayo kung paano nagkakasya dito ang katawan ng namayapang Igorot. Ang sabi ng mga matatandang Igorot ang katawan daw ng namayapa nilang mahal sa buhay ay riritwalan muna nila na may kasamang pag-aalay ng manok o baboy depende sa katayuan sa buhay ng isang Igorot at pagkatapos ng pag-aalay ay babaliin na nila ang mga buto nito na sa alam nilang kakasya na sa kabaong at babalutin nila ito ng kumot at rattan saka ito dadalhin sa nakaabang ng kabaong sa gilid ng bundok.

Ang tradisyon na ito ay maihahantulad din sa Indonesia pero pinaniniwalaang nag simula ito sa tribo ng Bo at Guyue ng China.
Oh ayan mga ka-Abante! Hindi lamang magagandang tanawin ang trip natin puntahan mas maganda kung makatuklas din tayo ng isang misteryo sa bawat lugar dahil na rin sa thrill na maibibigay nito at mas lalong pagkilala sa a­ting kultura.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More