Una sa Balita

Tuition sa SUCs libre na

By , , ,
0 5

Batas na ang libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUCs) matapos na lagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga economic managers dahil malaki ang gagastusin ng gobyerno rito.

“Since many people have been waiting for the President’s action for the very important enrolled bill that was passed by Congress last May entitled Universal Access to Quality Tertiary Education, I am pleased to announce that last night, August 3, 2017, the President signed the enrolled bill,” pahayag ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.

Nauna nang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi kakayanin ng gobyerno na pasanin ang gastos sa libreng tuition sa SUCs dahil kailangang magpaluwal ng P100 bilyon kada taon sa sandaling maisabatas ito.

Abante Hiring – IT dep

“If there’s a will – as we say – if there’s a will, there’s a way,” sagot ni Guevarra nang tanungin sa press conference kahapon kung saan kukuha ng pondo para tugunan ang pangangailangan sa free tuition sa SUCs.

Gayunman, sinabi nito na trabaho ngayon ng Kongreso na pag-isipan kung saan huhugutin ang pondo para sa free tuition sa SUCs dahil naisumite na ng Pangulo ang panukalang 2018 national budget.

Tiniyak naman ni House committee on appropriations chairman Karlo Alexi Nograles na hahanapan niya ng pondo ang pagpapatupad ng naturang batas kahit hindi ito nakapaloob sa P3.767 trillion panukalang budget para sa 2018.

Ilan sa planong pagkunan ng pondo ng komite ni Nograles ang underperforming agencies, underpending offices, unspent funds at unutilized funds sa 2017 budget gayundin ang mga unobligated projects.

Suhestyon naman ni Sen. Panfilo Lacson na katayin ang nakatagong pork barrel fund ng mga kongresista sa panukalang 2018 budget tulad ng ginawa nilang pagtanggal sa P8 bilyong pork barrel fund ng Mindanao solons sa 2017 national budget.

Sinabi naman ni Sen. Sonny Angara na maaa­ring kunin ang pondo sa tax reform package ng administrasyon kung saan tinatayang P500 bilyon hanggang P900 bilyon ang gustong makolekta ng gobyerno sa excise tax.