Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tugon sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID at bagong variants

0 76

Nitong nakaraang linggo, inilagay sa bubble setting na may karagdagang paghihigpit ang National Capital Region (NCR), mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ngunit dahil sa pagdami ng mga bagong kaso na iniulat noong nakaraang linggo, napilitan ang gobyerno na ipatupad muli ang pinakamahigpit na community quarantine–ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), sa pag-asang mapipigilan ang pagdagdag ng mga bagong kaso, na nararanasan din ng ibang mga bansa sa ngayon bunga ng pagkakaroon ng bagong variant ng coronavirus.

Noong nakaraang Sabado, Marso 27, kami sa Inter-Agency Task Force (IATF) ay nagkaroon ng isa pang emergency meeting kung saan napagpasyahan na ang NCR at ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal (NCR plus bubble) ay isasailalim sa ECQ nang isang linggo, mula 12:01 ng Marso 29 hanggang Abril 4, 2021. Ang rekomendasyong ito ng IATF ay inaprubahan ng Pangulo, at inanunsyo ko ito noong araw na iyon para makapaghanda ang mga kinauukulan sa pagpapatupad ng ECQ.

Medyo matagal na panahon din ang lumipas mula nang isailalim tayo sa ECQ, kaya’t hayaan niyo na ipaalala ko kung ano ang pinapayagan at hindi pinapayagan sa ECQ. Una sa lahat, limitado sa mahahalagang serbisyo o pagtatrabaho sa mga pinahihintulutang sector ang paglabas na papayagan. Ang natitira ay magiging mga homeliner.

Ang pampublikong transportasyon ay para lamang sa mahahalagang manggagawa at para sa mga itinuturing na APORs o Authorized Persons Outside of their Residences. Ituturing nang maximum ang 50 porsyentong kapasidad ng Public Utility Vehicles (PUVs) ayon sa alituntunin na inilabas ng Department of Transportation.

Ipinagbabawal ang pagtitipon ng higit sa 10 tao sa labas ng kanilang tirahan. Hindi pinapayagan ang pagtitipon ng maraming tao tulad ng aktibidad na pangrelihiyon. Ang pagsasagawa ng mga kasal, bautismo, at libing, ay limitado lamang sa mga miyembro ng pamilya, at hindi dapat lumagpas sa 10 katao.

Napagkasunduan din na magpapatupad ng pare-parehong curfew para sa NCR at sa mga bubble setting mula 6PM hanggang 5AM. Ang mga APORs at iba pang mga manggagawa na mayroong trabaho sa gabi ay hindi dapat mag-alala dahil hindi sila sakop ng curfew, kabilang ang mga cargo vessel at pampublikong transportasyon. Hindi na kakailanganin ang mga travel pass.

Related Posts

Para sa mga lalabas, mas mabuting dalhin nila ang quarantine pass na ginamit nila noong nakaraang taon. Ngunit kung wala nang pwedeng gamitin na quarantine pass, kailangan lamang ipaliwanag sa mga awtoridad kung bakit sila umalis ng bahay.

Mga groceries, pharmacies, at hardware stores lamang ang mananatiling bukas sa mga malls. Take-out at delivery lamang ang papayagan sa mga restawran at iba pang katulad na negosyo. Ang al fresco o kainan sa labas ay hindi rin pinapayagan.

Alinsunod dito, habang sumasailalim tayo sa ECQ, ang pamahalaan, iba pang mga ahensya ng gobyerno, at LGUs ay magpapatupad ng mga hakbang para paigtingin ang pag-iwas, pagtuklas, paghihiwalay, at paggamot. Ang aktibong pagtutukoy ng kaso, testing, contact tracing, at isolating ay paiigtingin sa mga komunidad, pati na rin ang pagpapatupad ng mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) at safety protocols.

Para matiyak ang mabilis na pagtukoy ng mga kaso at malaman kung sino ang nakasama ng mga nag positive sa test, inaprubahan ng IATF ang paggamit ng Rapid Antigen Test Kits na inaprubahan ng Food and Drug Administration at ng Research Institute for Tropical Medicine para sa masusing pagsubaybay.

Samantala, para mabigyan ng agarang proteksyon ang mga tao, bahagi ng ating estratehiya ang sabayan at mabilis na pagbabakuna sa mga lugar na may mataas na kaso, kasama na ang NCR plus bubble, pati na rin ang mga lungsod ng Cebu at Davao.

Bumalik man tayo sa ECQ, hindi naman ito nangangahulugan na nagsisimula tayo nang walang kaalaman. Mas handa tayo ngayon kumpara sa nakaraang taon. Mas mahusay ang ating paggamot at pamamahala ng mga pasyente. Mas marami rin tayo ngayong isolation at quarantine facilities. Humusay din ang testing at tracing at mayroon na rin tayong mga bakuna. Kung magtutulungan tayong lahat, malalampasan muli natin ito patungo sa paggaling natin bilang isang bansa. ###

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.