Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tugon sa hamon ng COVID-19

0 83

Mainit na pagbati, mga kababayan kong Bicolano! Pagpasok ng bagong taon, tuluy-tuloy ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa ilang dalubhasa, maaaring ito’y dulot na ng Omicron variant. Dahil dito, dagsa ang mga pasyente sa ospital, lalo na sa Kamaynilaan.

Sa Legazpi City, mula pa sa malalayong lugar ang mga pasyenteng nais magpagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH). Dahil marami sa kanila ang walang matutuluyan habang nasa lungsod, naisip ng Ako Bicol Party-list na magpagawa ng halfway house para sa kanila. Sinimulan ang construction ng halfway house building sa loob ng BRTTH complex noong nakaraang taon at kamakailan ay pinasinayaan na ito.

Ang marker unveiling ng BRTTH-Ako Bicol Halfway House Building ay ginanap noong Disyembre 19, 2021. Ang personal na inisyatibong ito ay pinondohan ng inyong lingkod at ating inaaalay sa lahat ng Bicolano at staff ng ospital bilang pagkilala sa kanilang misyon na magkaloob ng de-kalidad na healthcare services.

Kasama ko sa naturang programa ang aking kapartidong si Cong. Alfredo Garbin, Jr. at Dr. Eric Raborar, Medical Center Chief ng BRTTH. Dumalo rin sa okasyon si Albay Governor Al Francis Bichara at Atty. Jil Bongalon na second nominee ng Ako Bicol.

Nangako ang Ako Bicol na patuloy na tutulong at susuporta hanggang mabuo ang 7-storey halfway house building. Ngunit kahit tatlong palapag pa lamang ang natatapos, labis na ang pasasalamat ni Dr. Raborar dahil sa napakagandang pasilidad na ipinatayo ng AKB.

Sa aking maikling mensahe, sinabi kong dapat kumilos agad tayo bago pa man dumating o lumaki ang problema. Huwag na nating hintayin na may dumating na panibagong pandemya bago gumawa ng hakbang. Hindi pa man tayo tapos sa kasalukuyang pandemya ay dapat mag-plano na tayo para sa hinaharap.

Binanggit ko rin na kung ang COVID o virus ay nagmu-mutate, dapat ang lahat ng ospital ay mag-mutate na rin. We have to move ahead of Omicron.

Nagbigay din ng maikling mensahe si Gov. Bichara sa pagpapasinaya ng proyekto. Sinabi niya na ‘industrious, energetic at dynamic’ ang dalawang kinatawan ng Ako Bicol Party-list sa Kongreso. Dagdag pa niya, karamihan ng mga proyekto sa lalawigan ng Albay ay inisyatibo ng inyong lingkod at ni Cong. Garbin. Nakakataba po ng pusong marinig ang mensahe ng gobernador. Maraming salamat po, Governor!

Matatapos na ang termino ni Cong. Garbin sa Hunyo 30 ngunit tiniyak niya na ang Ako Bicol Party-list ay patuloy na ipaglalaban ang budget ng BRTTH, lalo na ang capex o capital expenditures nito.

Tinitiyak din po ng inyong lingkod na sa abot ng aking makakaya, ipagpapatuloy natin ang pagkakaloob ng tulong sa ating mga frontliners at sa ating mga kababayan upang malampasan ang hamon ng COVID-19. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.