Una sa Balita

Tugade, mga NAIA Opisyal anyare?

0 643

MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pagsadsad ng isang eroplano sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagdulot ng malaking perwisyo sa maraming pasahero.

Maghahain si Senador Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services, ng isang reso­lusyon ngayong Lunes para makapagsagawa ng pagdinig kaugnay sa ‘operational procedures’ sa NAIA at kung bakit inabot ng 36 oras bago naalis ang sumadsad na passenger plane ng XiamenAir sa main runway ng pali­paran.

Kabilang sa mga ipatatawag ng komite ni Poe ay sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Manila International Airport Authority (MIAA) Ge­neral Manager Eddie Monreal at mga opisyal ng mga kompanya ng eroplano gayundin ang ilang pasahero na naperwisyo matapos maparalisa ang operasyon ng NAIA.

Abante Hiring – IT dep

“Ano ba o meron nga bang standard opera­ting procedure sa mga ganitong aksidente? This is not the first time that a plane has skidded off the runway and it certainly won’t be the last. Bakit inabot ng dalawang araw bago magsimula ulit ang ope­rasyon ng NAIA? Hindi ba kayang gawin ito nang mas mabilis para hindi gaanong naperwisyo ang libo-libong pasahero?” pag-uusisa ni Poe.

Dahil sa abalang idinulot ng XiamenAir, daan-daang mga domestic at international flight ang kinansela habang ang iba ay nilipat sa Clark o Cebu.

“Bakit hinayaang dumami ang tao sa NAIA hanggang napuno ito? Wala ba silang polisiya na abisuhan ang mga customer kapag may ganitong insidente? Kung may Free Mobile Disaster Warnings, hindi ba puwede magkaroon, on their own initiative, ng Free Cancelled Flight Alerts?”

“The public deserves an acceptable explanation. This is important, considering that NAIA remains the primary gateway for foreign tourists into the country,” ani Poe.

Binanggit pa nito na overcapacity na ngayon ang NAIA na itinayo para lamang sa 30 mil­yong pasahero pero nasa 42 milyon na ito sa kasalukuyan.

Nais malaman ng senador kung paanong tinugunan ng mga awtoridad ng NAIA at mga empleyado ng mga kompanya ng eroplano ang ‘chaotic condition’ sa panguna­hing paliparan ng bansa matapos magkaaberya ang isang flight ng XiamenAir paglapag nito sa NAIA.