Una sa Balita

Tugade gigisahin pa sa Bulacan Airport

By ,
0 1,256

PAGPAPALIWANAGIN ng mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa mabagal na aksiyon nito sa panukalang magtayo ng bagong paliparan sa Lalawigan ng Bulacan.

Isa sa nakikitang solusyon ang pagtatayo ng paliparan sa Bulacan para lumuwag ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Pero hanggang ngayon wala pang aksiyon si Tugade sa P735 billion airport proposal ng San Miguel Corporation (SMC) sa Bulacan.

Base sa impormas­yon, hindi pa sinisimulan ni Tugade ang pagbalangkas ng mga termino para sa P735 billion airport project kahit halos apat na buwan nang inendorso ito ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Batay sa mga alituntunin, may tatlong buwan si Tugade upang isapinal ang concession agreement sa private sector proponent matapos itong aprubahan ng NEDA.

Nakatakdang imbes­tigahan ng Senado sa Agosto 29 ang naturang isyu laban kay Tugade.

Sabi ni Senador Grace Poe, dapat ipaliwanag ni Tugade ang mabagal na pagkilos ng DOTr sa nakahaing proposal sa kanyang tanggapan.

“Marami pong mga dapat ipatawag dito pati po ang DOTr, hindi lamang po sa kanilang responsibilidad kundi bakit hanggang ngayon inuupuan ninyo ang mga proposals para sa expansion ng airport, kung papayagan ba natin ang unsolicited bid sa Bulacan?” diin ni Poe.

Binatikos din ni Poe ang tanggapan ni Tugade sa iba pang proyekto ng DOTr.

“Ang daming puwede nilang magawa na hindi nila nagawa agad,” giit ni Poe.

Maging si Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito ay nagpahayag na dapat nang magdesisyo­n ang DOTr kung ano ang magiging plano nila sa Bulacan airport dahil malaking pera ang nakaakibat dito at malinaw na magandang solusyon aniya ito para lumuwag ang NAIA.

“We can’t afford to delay this further and the recent mishap at NAIA is an eye opener that we really need a new airport. Decide now!” pahayag ni Ejercito sa mensahe sa Abante.

Bukod sa nangyari kamakailan sa NAIA na naparalisa nang sumadsad ang isang passenger plane ng Chinese airline na Xiamen Air, nahaharap din sa iba pang problema ang DOTr na hindi pa rin nito ganap na nalulunasan hanggang sa kasalukuyan katulad ng mga aberyang nararanasan sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit.