Una sa Balita

Tugade 2 taon sa DOTr, walang nagawa — Trillanes

By
0 351

IGINIIT ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV na panahon na upang magbitiw sa puwesto si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade dahil sa mahaba nang kapalpa­kan nito sa tungkulin.

Sinabi ni Trillanes na sapat na ang mahigit da­lawang taon na ibinigay kay Tugade upang patunayan nito na karapat-dapat siya sa puwesto subalit bigo itong gawin ang kanyang mandato.

Pinakahuli na anya ang naging aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan napakatagal ng naging pagresponde ng mga awtoridad sa sumadsad na eroplano ng Xiamen Airlines.

Ipinaliwanag ng senador na maituturing na ‘very common’ na ang insidente ng pag-overshoot sa runway kaya dapat ay may nakahanda nang gamit ang mga awtoridad sa NAIA para agad na maaksiyunan ang mga ganitong pangyayari.

Bukod anya sa pinakahuling insidenteng ito, hanggang ngayon wala pa ring nagagawa si Tugade sa iba pang problema na nauna na nitong ipinangakong reresolbahin tulad ng suliranin sa masikip na daloy ng trapiko at ang isyu sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3.

“Ano bang output up to this time? Wala akong nakikitang magandang output sa departamento ni Mr. Tugade. Binigyan natin sila ng enough space sabi nila ‘yung trapik bigyan sila ng dalawang taon kasi ‘di naman daw bigla-bigla ‘yan.

Ano na ngayon lagpas na tayo ng dalawang taon. ‘Yung MRT sinabi ganyan din, bigyan sila ng panahon, wala rin,” sabi ni Trillanes.