Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Tubig is life’

0 101

Ngayong tag-init, mapanganib sa kalusugan ang napakataas na antas ng temperatura. Maaaring makaranas ng tinatawag na “heat stroke” o kaya’y ibang pinsala sa katawan. Upang pangalagaan ang kalusugan, ugaliing uminom ng maraming tubig, inuming pampalakas o kaya’y kumain ng makatas na prutas.

Ngunit paano kaya sa mga lugar na pahirapan ang pagkuha ng malinis na inuming tubig? Sa Bicol Region pa lang, ikatlong bahagi o 30 porsyento ng higit limang milyong populasyon ang umaasa sa tubig balon. Halos 190,000 Bicolano ang walang access sa malinis na inuming tubig.

Isang halimbawa ang tribung Kabihug sa Sitio Igang, Barangay Batubalani sa Paracale, Camarines Norte. Dati, sila’y naglalakad nang halos isang oras paakyat ng bundok upang maka-igib ng tubig.

Ilan sa kanilang pinagkukunan ng tubig ay “self-made” dams na kanilang pinagtulung-tulungang gawin, mga bukal at ilog. Ngunit ang kanilang naiigib ay hindi ligtas inumin. Maaari itong pagmulan ng diarrhea o pagtatae na mapanganib kung ‘di maaagapan. Kaya ang iba, napipilitang bumili ng inuming tubig sa nayon na limang kilometro ang layo sa kanilang komunidad.

Natuldukan ng inyong lingkod ang suliranin sa tubig ng mga residente ng Sitio Igang nang magpatayo ang Ako Bicol Party-list ng solar-powered water system noong Marso. Laking tuwa ng mga kapatid nating Aeta dahil hindi na sila kailangang maglalakad nang malayo upang umigib ng malinis at inuming tubig.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Target po ng Ako Bicol Party-list na makapagpatayo ng 200 units ng Water Supply System sa buong Kabikolan. Sa kasalukuyan, mayroon nang 71 units na on-going ang construction sa mga upland barangays na walang maayos at malinis na tubig.

Ang mga ipinapatayo nating water supply system ay binubuo ng walong solar panels at pump. Kaya nitong maglabas ng 10,500 litro kada segundo at mapupuno ang tangke sa loob ng tatlo hanggang apat na oras. Mayroon itong 3-stage  filtration upang tiyaking malinis ang ilalabas na tubig.

Kung walang magiging sagabal sa mga proyekto, sisikapin po nating tapusin ito lahat bago sumapit ang 2022.

Ang magandang balita, naglabas po ang national government ng inisyal na pondong P200 milyon sa proyektong ito sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) of 2020. Bawat isang solar-powered water system kasi ay nagkakahalaga ng P3.5 milyon.

Nagpapasalamat po ako sa ating national government sa paglalaan nila ng pondo para sa mga solar-powered water system sa Bicol Region. Marami po kasing government-run o privately-owned water districts ang hindi nagsisilbi sa mga upland barangays dahil malulugi lang daw sila. Dahil dito, kumilos ang inyong lingkod upang mabigyan ng malinis at inuming tubig ang mga kababayan nating Bicolano.

Tulad po nang lagi kong sinasabi, “tubig is life”. Tunay nga na ang tubig ay isa sa pinakamahalagang pangangailangan ng tao araw-araw. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.