Una sa Balita

Trump pumiyok: ‘Di ko binayaran si Stormy Daniels

By
0 1,134

Binasag ni US President Donald Trump ang pananahimik hinggil sa $130,000 na ibinayad ng kanyang abogado sa porn actress na si Stormy Daniels upang manahimik lang ito sa umano’y naganap na pagtatalik nilang dalawa may ilang taon na ang nakaraan.

Sakay ng Air Force One ay tinanong siya ng mga reporter kung alam niya ang sinasabing transaksyon ng abogado niyang si Michael Cohen kay Daniels at mariin niya itong sinagot ng “No.”

Nagtataka rin umano siya kung bakit binayaran ni Cohen si Daniels.

“You’ll have to ask Michael Cohen. Michael is my attorney. You’ll have to ask Michael,” diin pa ni Trump.

Wala rin umanong ideya si Trump kung saan kumuha ng malaking halaga ng pera si Cohen para ipambayad kay Daniels.

Umiwas naman si Trump nang tanungin kung nagkaroon siya ng relasyon kay Daniels.

Base sa naging rebelasyon ni Daniels, nagkaroon umano sila ng relasyon ni Trump noong 2006 at bago sumapit ang 2016 presidential elections ay pinapirma siya ni Cohen sa non-disclosure agreement kapalit ng $130,000.

Nitong 2018 ay naghain naman ng petisyon si Da­niels upang ipawalang-bisa ang non-disclosure agreement.