Una sa Balita

Truck ng pulitiko huli sa illegal quarry sa Subic

0 42

Hindi pinayagang makalusot pa ng Zambales Task Force Kalikasan ang isa sa 22 dump truck na umano’y ginagamit sa illegal quarrying na inuumpisahan ng hapon hanggang magdamag nang hulihin ito at dalhin sa impounding area sa Capitol Compound sa Iba kamakalawa.

Ayon sa ulat, ang nabanggit na truck ay nahuli habang bumibiyahe nang walang kaukulang permit dakong alas-singko ng hapon matapos itong mangggaling sa quarry area na pag-aari diumano ng isang pulitiko sa Zambales.

Ang buhangin ay dadalhin sana sa pier ng JAMJLE Properties (Subic) and Development Corp., na pag-aari umano ng manugang ng pulitiko, kung saan ay ididiskarga ito sa barge na magluluwas patungong Lubang, Mindoro.

Ayon sa lider ng Task Force, nang mamataan nila ang trak na bumibiyahe galing quarry area, kinausap siya ng isang ‘Mang Tom’ na nagpakilalang operation manager at sinabi nito na gusto siyang makausap ng pulitiko sa cellphone.

Sa pag-uusap, nagbanta umano ang opisyal na huwag nang hulihin ang trak nito at sinabing, “Huhulihin mo ‘yang trak ko? Nandito kayo sa balwarte ko, baka mapasubo kayo!”

Gayunman, hindi natinag ang lider ng Task Force at magalang na sumagot ng, “Wala po kasi kayong D.R. [Delivery Receipt], trabaho naming gagampanan mula sa gobernador ng Zambales na si Amor Deloso na hulihin ang mga ilegal na pagbabayahe o walang kaukulang permit mula sa probinsya,” saka ibinalik ang cellphone sa operation manager.

Sa huli ay nailabas din ng Task Force ang trak at sinamahan ito ng mga kagawad ng pulisya ng Subic hanggang sa hangganan ng Castillejos. Ang trak ay dadalhin sa Kapitolyo ng Zambales kung saan ito i-impound.