Una sa Balita

Triple V sa V-day

0 480

Virus. Volcano at VFA. ‘Yan ang tatlong V na tumama sa atin sa pagpasok ng ng 2020.

Malaking dagok na matatawag ang triple V sa Pilipinas. Tumatakbo pa lang tayo sa ikalawang buwan ng taon pero tila ipinatikim na kaagad sa atin ang bulto ng matitinding pagsubok.

Isa-isahin natin ang triple V.

Virus o novel coronavirus o nCov. Isang bagong nakahahawang sakit na nagmula sa China, partikular sa siyudad ng Wuhan na nasa probinsya ng Hubei. Sinasabing unang napaulat ang pagkalat ng nCov bago matapos ang Disyember 2019, subalit marami ang nagsasabi na posibleng mas maaga pa roon kumalat ang virus sa China batay sa record ng mga taong nahawahan ng mga maysakit.

Sa huling tala ­habang sinusulat natin ito, ­umabot na sa 43,108 ang kumpirmadong kaso ng nCov sa iba’t ibang bansa sa mundo, at 42,644 dito ay nasa China.

1,018 naman ang hu­ling ulat ng mga namatay na pawang nasa China rin, 1 sa Pilipinas at 1 sa Hongkong.

Dito sa Pilipinas, 3 ang kumpirmadong kaso ng nCov na pawang mga Chinese, at isa dito ang namatay na. May 279 naman ang mga pasyenteng iniimbestigahan sa atin at binabantayan kung may nCov.

Isa pang virus ang humabol nito lang at nagbibigay sakit ulo sa mga magbababoy sa Mindanao : ang African Swine Flu (ASF).

Volcano o bulkang Taal ang sumunod na V. Ilang linggo ­makaraan itong mag alburoto, ­lumitaw ang laki ng pinsalang ginawa nito sa Bata­ngas. Bilyon pisong halaga ang danyos na nilikha ng pagputok ng Taal sa mga bahay, kabuhayan, gusali at kalsada. Malaking problema rin ang paglilipatan ng mga residenteng naninirahan sa mismong isla ng Taal.

Sa ngayon ay may mga naiwan pa ring evacuees habang mataas pa rin ang alert level ng Taal. At patuloy pa rin tayong naghihintay sa isusumi­teng report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa planong binabalak nilang ilatag para sa relokasyon at rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng bulkan.

VFA o Visiting Forces Agreement ang huling V. Naging matunog ang usaping ito matapos tanggalan ng US visa ang ating kapwa sendor na si Bato Dela Rosa. Napikon si Pangulong Duterte at nagsabing kakanselahin nya ang VFA.

Sa pagdinig sa Senado noong isang linggo, lumabas na maraming mga benepisyong nakukuha ang Pilipinas mula sa Amerika na nanganganib maudlot at maputol sakaling itigil ang VFA. Bukod sa maaari nating sandalan ang US sakaling may magtangkang sumakop o kumamkam sa teritoryo ng Pilipinas, sila rin ang unang sumaklolo sa mga Pilipino sa panahon ng krisis at kalamidad, tulad ng paghagupit ng bagyong Frank, Milenyo at Yolanda.

Maaaring ‘di perpekto ang VFA, subalit kung tulong na nagawa at ginagawa para sa Pilipino at Pilipinas ang pag-uusapan, lamang ang kabutihang naidudulot nito sa ating bansa.

Sa Biyernes ay ipagdiriwang natin ang isa pang V – Valentine’s Day. Sana naman ay maawat na ang paglaganap ng virus, tuluyan nang kumalma ang Taal volcano at malinawan tayo sa VFA. Pagmamahal na lang sana ang kumalat at tumama sa lahat ng tao para wala nang hindi pagkakaunawaan.

Maligayang araw ng puso sa inyong lahat! Bawal muna ang beso-beso habang kumakalat ang virus.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More