Una sa Balita

Triple kayod para maayos ang lungsod

0 400

Una sa lahat, maraming-maraming sala-mat sa patnugot ng pahayagang Abante sa imbitasyon at tiwala upang tayo ay makapag-column dito isang beses kada linggo at maipamahagi sa inyong kaalaman ang mga kaganapan sa Maynila na ating pinamumunuan.

Isang napakalaking karangalan para sa akin na maging bahagi na rin ng tinaguriang ‘Fourth Estate’ na ang mga miyembro ay aking pinagpipitaganan at tinitingala mula pa noon hanggang ngayon, bilang mga respetado at epektibong kaagapay ng sinuman na nais magtagupay sa larangan ng serbisyo-publiko.

Para sa kaalaman ng di mabilang na tagasubaybay ng pahayagang ito, ang inyong lingkod ay magsusulat ng regular na pitak na lalabas tuwing Lunes, kung saan inyong matutunghayan ang lahat ng mga pagbabagong mangyayari sa pinakamamahal nating lungsod, ang Maynila, na siyang ‘capital city’ ng bansa.

Marami ang nagugulat sa anila ay napakaraming kaganapan sa lungsod mula nang tayo ay maupo bilang bagong alkalde nito.

Ang ating unang walong linggo ng pagta-trabaho (walo dahil kasama ang Sabado at dalawang araw ng Linggo) ay kinatampukan ng pagbabalik sa taumbayan ng mga pangunahing lansangan na sa loob ng maraming taon ay hindi pinakinabangan ng ordinaryong mamamayan at motorista dahil sa sinakop na ang mga ito ng vendors o manininda. Partikular nating pinagtuunan ng pansin ang Divisoria, Binondo, Recto, Dagupan at Juan Luna, Ylaya, Soler, Carmen Planas, Tabora, Asuncion, Villalobos, Carriedo, C. Palanca, Ronquillo, Raon at Evangelista. Isusunod din natin ang Quiapo, Paco at iba pa na itinuturing na ‘main arteries’ o mga pangunahing lansangan na mahalagang magsilbi bilang maayos na daluyan ng trapiko at tao.

Related Posts

Marami din ang ‘umaawat’ sa inyong lingkod dahil sa nakikita nilang walang humpay na trabaho natin, dahil nag-aalala sila sa ating kalusugan. Sa ganang atin, mahirap kasing unahin ang pahinga dahil isang kisap-mata lang ang tatlong taon.

Sa klase ng kondisyong kinalulugmukan sa ngayon ng Maynila at sa gitna ng mahigit apat na bilyong utang na iniwan ng nakalipas na administrasyon, kailangan nating kumayod ng doble kundi man triple para maisa-ayos ang lungsod at kalakaran na nababoy sa loob ng nakalipas na anim na taon.

Dama ko ang masidhing pagnanais ng mga ‘Batang Maynila’ na maibangong muli ang minamahal nilang lungsod, na kanilang ipinakita sa pamamagitan ng isang ‘landslide victory’ para sa inyong lingkod, sa aking katuwang na si Mayor Honey Lacuna at mga kaalyadong Kongresista at konsehal, at hindi ko sila bibiguin.

Sa ating panimulang tagumpay, nais kong pa-salamatan ang pulisya sa pamumuno ni Manila Police District (MPD) Director Gen. Vicente Danao, Jr., ang pamunuan ng city engineer’s office at department of public services, mga barangay chairman at mismong mga ordinaryong mamamayan ng lungsod ng Maynila na patuloy na nagbibigay sa akin ng inspirasyon at lakas para magawa ang serbisyong ‘walang tulugan’.

At gaya ng paulit-ullit kong sinasabi, k­ailangan ko ang tulong ng lahat ng Manilenyo at nagmamahal sa Maynila dahil hindi ko ito kakayanin nang mag-isa. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga tunay na taga-Maynila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy