Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tripartite deal sa pagkuha ng bakuna

0 186

Noong nakaraang Huwebes, ika-14 ng Enero 2020, ang pambansang pamahalaan, mga local government unit (LGUs), ang pribadong sektor, at isang tagagawa ng bakuna ay nagkaisa upang masiguro ang karagdagang 14.5 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 para sa mamamayang Pilipino.

Mapalad ako dahil nasaksihan ko ang napakahalagang okasyon na iyon na nangyari sa aking press briefing. May 39 na LGUs ang lumagda sa isang kasunduan sa AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa pamamagitan ng isang tripartite agreement na sinusuportahan ng 300 mga kumpanya sa pribadong sektor, at sinusuportahan ng pambansang pamahalaan .

Ang okasyon na tinawag na “A Dose of Hope,” ay ang kaganapan na nagselyo ng isang kasunduan na nagbibigay sa mga Pilipino ng pag-asa na matapos ang pandemikong ito sa lalong madaling panahon. Sa ilalim ng tripartite scheme na ito, madaragdagan ng Pilipinas ang supply ng bakuna at masisiguro ang patas na pamamahagi nito dahil limitado ang suplay at mataas ang demand sa pandaigdigang merkado.

Mayroon na ngayong 17 milyong doses ng bakuna na nakuha sa pamamagitan ng kasunduang ito. Sa unang tripartite deal noong Nobyembre 2020, nakakuha ang pamahalaan ng 2.5 milyong doses ng bakuna.

Sa ilalim ng kasunduang ito, kalahati ng kabuuang bilang ng doses na kukuhanin ng pribadong sektor ay ibibigay sa pambansang pamahalaan, habang ang kalahati ay gagamitin ng mga kumpanya ng donor para sa kanilang mga empleyado at sa kanilang napiling benepisyaryo ng bakuna.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dapat purihin ang mga pribadong kumpanya sa kanilang dedikasyon na suportahan ang laban ng bansa kontra sa COVID-19. Sa tulong ng pribadong sektor, maraming mga Pilipino ang makakatanggap ng bakuna dahil aakuin ng mga pribadong kumpanya ang pagbabakuna ng kanilang mga empleyado, na maaaring hindi saklaw ng prioritization scheme ng gobyerno para sa pantay na pamamahagi ng bakuna.

Ang AstraZeneca ay nanindigan na makikipagtulungan sila sa gobyerno at susunod sila sa mga regulasyon sa pagbabakuna. Ang unang pangkat ng mga bakuna na inorder noong Nobyembre ay darating sa Mayo ng taong ito, habang ang pangalawang batch na inorder sa kamakailang kasunduan ay inaasahan sa ikatlo o ika-apat na kwarter ng taon.

SM food to go Banner Ad

Malugod na tinanggap ng mga LGU ang kasunduan at kinilala nila ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor sa pagsugpo ng virus. Inaasahan ng mga executive ng LGU na ang pagkakaroon ng bakuna ay magiging simula ng pagbangon ng bansa mula sa COVID-19.

Gaya ng sinabi ko sa nauna kong kolum, makakakuha ang mga LGU ng bakuna sa pamamagitan ng tripartite scheme na ito dahil ang bakuna ay makukuha lamang sa tulong ng gobyerno. Samakatuwid, ang koordinasyon ng mga LGUs, pambansang pamahalaan, at pribadong sektor ang susi upang matiyak ang deal sa mga tagagawa ng bakuna.

Ang tripartite agreement, ayon kay Pangulong Duterte, ay patunay ng tradisyon ng Bayanihan na mabuting kaugalian ng mga Pilipino. Sumang-ayon ang Pangulo sa tripartite scheme na ito upang matiyak ang pagkakaroon natin ng mga bakuna at upang madagdagan ang mga kasunduan na isinasaayos ng pambansang pamahalaan.

.
Ang hakbanging ito ay positibong titiyakin ang paggaling ng ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng kooperasyon ng iba’t- ibang mga stakeholder, makasisiguro tayong hindi maiiwan ang mga Pilipino sa mga pagsisikap na maprotektahan ang lahat laban sa coronavirus.

Kailangan lamang nating maghintay pa ng kaunti dahil maraming doses ng bakuna ang darating sa bansa simula sa susunod na buwan. Ang pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19 sa lalong madaling panahon ay mangangahulugan ng buhay o kamatayan ng karamihan sa mga Pilipino hindi alintana kung ano man ang sinasabi ng mga kritiko kontra sa pambansang pamahalaan at sa kabila ng pag-aalinlangan ng ilan hinggil sa mga bakuna at proseso ng pagbabakuna.

Mga kababayan, nangako na ang ating Pangulo na ang mga bakunang ibibigay sa atin ay ligtas at sigurado. Huwag nating hayaan na linlangin tayo ng mga namumulitika. Kailangan nating mabakunahan sa lalong madaling panahon upang lahat tayo ay makabalik at maka-recover mula sa pagpaparusa ng COVID-19.

Ingat buhay pa rin para sa hanap buhay.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.