Una sa Balita

Trillanes tsismosong tanga! — Mike Arroyo

By
0 2,678

MULING inupakan ni dating First Gentleman Jose Miguel ‘Mike’ Arroyo si Senador Antonio Trillanes IV matapos umano itong magpakalat ng mali-ma­ling impormasyong tungkol sa namayapang ama ni Pangulong Rodrigo Duterte na si dating Davao Gov. Vicente Duterte.

Sa kanyang Facebook comment sa post ni dating Press Secretary Rigoberto ‘Bobi’ Tiglao, tinawag na tanga ni Arroyo si Trillanes dahil umano sa pagkakalat nito ng tsismis na pumasa lamang ang Pangulo sa 1972 Bar Examinations sa kadahilanang nilakad umano ito ng kanyang pumanaw na ama.

“Who believes that idiot Trillanes anyway? He is a purveyor of fake news!” giit ni Arroyo sa kanyang komento sa post Tiglao.

Ginawang katatawanan nina Arroyo at Tiglao ang nasabing pahayag ni Trillanes dahil ang nakatatandang Duterte na nagsilbi rin bilang miyembro ng gabinete ng administrasyong Marcos ay pumanaw noong taong 1968 samantalang ang kanyang anak ay kumuha lamang ng pagsusulit sa pagiging abogado noong 1972.

Unang giniit ni Trillanes noong Sabado, Setyembre 8, na sinuhulan lang umano at nilakad ng dating gobernador ng Davao ang mga examiner noong 1972 Bar Examinations para makapasa ang kanyang anak na kasalukuyang Pangulo ng bansa.

Pero lingid sa kaalaman ni Trillanes, apat na taon nang patay ang nakatatandang Duterte nang pumasa ang kanyang anak sa Bar Exams. Naging ganap na abogado si Pangulong Duterte noon ika-20 ng Hunyo 1973, at may Roll No. 24488.

Si Trillanes at ang iba pa niyang kasamahang sundalo sa grupong Magdalo ay naglunsad ng dalawang bigong kudeta laban sa kabiyak ni Arroyo na si dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo noong kasagsagan ng Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Siege.