Una sa Balita

Trillanes pinapaaresto sa ‘bikoy’ video

0 385

NAGPALABAS kahapon ng warrant of arrest ang Quezon City Metropolitan Trial Court (MeTC) Branch 138 laban kay dating Sen. Antonio Trillanes at 10 iba kaugnay sa kasong conspiracy to commit sedition.

Maliban kay Trillanes, kasama rin sa pinaaresto sina Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’; Fr. Flaviano Villanueva; Fr. Albert Alejo; Yoly Ong-Villanueva; Boom Enriquez; Jonnell Sanggalang; Joel Saracho; Eduardo Acierto; Vicente Romano at isang alyas ‘Monique’.

Sa warrant of arrest na ipinalabas ni MeTC Branch 138 Judge Kristine Grace Suarez itinakda nito ang arraignment sa Marso 17, alas-dos nang hapon.
Kinumpirma ng korte na 3 na sa mga akusado ang nakapaglagak ng piyansa na P10,000 kabilang sina Alejo at Villanueva.

Ang kaso ni Trillanes ay kaugnay sa kontrobersyal na video na ‘Ang Totoong Narcolist’ kung saan matatandaang idinawit ni Advincula ang oposisyon kasama ang iba pang kasapi ng Simbahang Katolika at mga human rights lawyer na siyang nasa likod umano ng kumalat na narcolist video na ang layunin ay siraan at mapatalsik si Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Noong Pebrero 10 isampa ng Department of Justice ang kaso sa korte subalit pinawalang-sala nito ang ilang lider ng oposisyon sa pangunguna ni Vice President Leni Robredo, mga senador na sina Leila de Lima at Risa Hontiveros, dating Senator Bam Aquino, dating Magdalo Rep. Gary Alejano at mga Otso Diretso candidate na sina Erin Tañada, Chel Diokno at Florin Hilbay.

Ibinasura rin ang kaso sa ilang kasapi ng simbahan at Integrated Bar of the Phi­lippines (IBP) at tanging si Trillanes at ang nabanggit na 10 iba pa ang kinasuhan.

Samantala, wala ngayon sa bansa si dating Senador Trillanes subalit pagbalik umano niya’y maghahain siya ng piyansa kaugnay ng kasong conspiracy to commit sedition na inihain sa kanya.

“I am out of the country as the moment for a series of engagements. But I intend to post bail once I arrive in Manila next week,” pahayag ni Trillanes sa isang statement matapos maglabas ng warrant ang Quezon City Metropolitan Trial Court laban sa kanya at sa sampung iba.

“I will face this case just as I have faced all the other harassment cases Duterte’s minions have filed against me,” dagdag pa nito.

Sa imbestigasyon ng Department of Justice, ang mga ‘Bikoy’ video ay ginawa ni Advincula at nagsilbing narrator sa video si Joel Saracho, videographer naman si Boom Enriquez at assistant ang isang alyas ‘Monique’.

Ang mga scripwriter ng mga ‘Bikoy’ vi­deo ay sina Yolanda Ong, na sinasabing isang marketing agency boss na founder ng local firm Campaigns & Gray, at Vicente Romano III para mabuo ang istorya laban sa Pangulo. (Tina Mendoza/Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More