Una sa Balita

Trillanes dapat maging modelo sa pagsunod sa batas – Sandra Cam

0 1,100

Hinamon kahapon ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam si Sen. Antonio Trillanes IV na magpakalalaki, lumabas sa kanyang lungga sa Senado at huwag gamitin ang kanyang posisyon para takasan ang mga krimeng ginawa niya noong siya ay isa pang sundalo.

Ayon kay Cam, dapat ding isapuso ni Trillanes ang salita ng Panginoong Hesuktristo sa Bibliya na maunang mambato sa isang makasalanan ang isang walang bahid na dumi sa kanyang katauhan, tulad ng ginagawan­g pag-atake ng senador kay Pangulong Rodrigo Duterte gayung siya ang may dapat na panagutan sa batas dahil sa kanyang mga kasalanan.

Dagdag ng datin­g whistle-blower sa jueteng scam sa panahon ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, inabuso ng senador ang kanyang kala­yaan sa pamamahayag na humantong sa lantarang pambabastos sa pinakamataas na lider ng bansa.

“Sen. Trillanes’ practice of freedom of expression highlighted by insults against PRRD for a long time has been tole­rated by our beloved Presi­dent but the presi­dential patience and tolerance has finally reached its limitations. Sen. Trillanes should not use the media for black propaganda,” diin ni Cam.

Bilang isang senador,  dapat ay magsilbi aniyang modelo si Trillanes sa lahat, partikular na ang pagsunod sa batas.

 “No one is above the law and that law must be equally applied to everyone without fervor and favor,” dagdag ni Cam.
Hirit pa ni Cam, kung talagang matapang at itinuturing ni Trillanes ang kanyang sarili bilang “man of honor”,  dapat niyang lisanin ang kanyang taguan sa Senado at harapin ang napipintong pag-uusig sa kanya sa Court Martial kaugnay sa pangunguna niya sa bigong pag-aaklas sa Oakwood hotel at Manila Peninsula.

“Magpakalalaki ka! Lubayan mo ang sambayang Pilipino sa mga kapalpakan mo! Naturi­ngan ka pa namang senador at dating sundalo pero wala kang ginawa kundi ang lumabag sa batas. Lumabas ka sa Senado at harapin mo ang kapalaran mo!” hamon pa ni Cam kay Trillanes.