Una sa Balita

Trillanes balik bansa, nagpiyansa sa sedisyon

0 381

NAGLAGAK ng halagang P10,000 si dating Senator Antonio Trillanes IV para sa kanyang kasong conspiracy to commit sedition sa Quezon City Regional Metropolitan Trial Court (QCMTC) nitong Martes nang umaga.

Sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang biyahe sa Estados Unidos dahil sa ilang engagement ay dumiretso na si Trillanes sa korte upang magpiyansa nang maglabas nitong Biyernes ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya at sa sampu pang akusado.

Kasama ni Trillanes ang kanyang legal counsel na si Atty. Rey Robles na naghain ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan, matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang QCMTC Branch 138 laban sa dating senador.

Sa akusasyon, nakipagsabwatan umano si Trillanes para sa produksyon ng mga ‘Ang Totoong Narcolist’ video kung saan inaakusahan ni Peter Joemel Advincula, alyas ‘Bikoy’ ang pamilya Duterte na sangkot sa iligal na droga.

Si ‘Bikoy’ ang nagsalita at humarap sa media na sinasabing ginamit ni Trillanes, ay bumaliktad at inginuso si Trillanes, at iba pang mga miyembro umano ng oposisyon ang nagplano ng video para patalsikin sa puwesto si Pa­ngulong Duterte sa pamamagitan umano ng pag-uugnay sa kanya at kanyang pamilya sa illegal drug trade.

Ang mga video na nag-uugnay umano kay Pangulong Duterte sa umano’y mga drug link ay kumalat na may pamagat na ‘Ang Totoong Narcolist’, isang serye ng mga video na nag-viral online na nagpapakita umano kay ‘Bikoy’ na nakasuot ng hood.

Nauna nang nagpiyansa ang mga kasamang akusado ni Trillanes kabilang si Advincula at sina fathers Flaviano Villanueva at Albert Alejo.
Itinakda ang arraignment sa kasong conspiracy to commit sedition ng senador sa Marso 17.

Muli namang kinastigo ni Trillanes si Pangulong Duterte sa panibagong panggigipit sa kanya. (Dolly Cabreza/Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More