Trike driver pinasabog ang ulo

By

Sabog ang bungo ng isang tricycle driver matapos asintahin sa ulo ng riding-in-tandem habang namamasada, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo ang biktimang kinilalang si Renz Tibor, 30, ng 1030 F. Yuseco Street sa Tondo, habang tumakas naman ang mga suspek na hindi nakilala dahil sa suot na helmet at bullcap.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Ruiz ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng gabi sa F. Yuseco Street, kanto ng Abad Santos Street sa Tondo.

Lumilitaw sa kuha ng CCTV camera ng Barangay 231, Zone 21, na binabagtas ng biktima ang F. Yuseco Street, sakay ng kanyang tricycle at maghahatid sana ng pasahero nang habang papatawid ng Abad Santos Street ay sinundan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo bago dalawang ulit na pinaputukan sa ulo ng backrider.

Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis na humarurot papalayo sa lugar ang mga suspek patungo sa direksyon ng Juan Luna Street bitbit ang armas na ginamit sa krimen.

Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ng mga kaanak ang biktima pero hindi na umabot nang buhay. 

SHARE