Una sa Balita

Trigger happy nakapatay ng 3, sugatan ang 6 sa Rizal

2 pulis na rumesponde nadale

By
0 573

HINAHANTING ngayon ng Rizal police ang isang trigger happy na suspek matapos ang walang habas na pamamaril sa kalsada na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasu­gat ng anim kabilang na ang dalawang pulis na rumesponde kamaka­lawa nang gabi sa Teresa, Rizal.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Rizal Police Provincial Director, Police Senior Superintendent Lou Frias Evangelista, nagsasagawa na sila ng manhunt operation kaugnay sa walang habas na pamamaril ng isang suspek na nakilalang si John Albert Araojo na nakita sa CCTV.

Nakilala ang nasawi na sina Ruben Francisco, Wilfredo D. Lukban, kapwa residente ng Carissa Homes East-1, Barangay Bagumbayan, Teresa, Rizal na napagtripang barilin ng suspek na ayon sa report ay may diperensya umano sa pag-iisip.
Sugatan naman sina Joel Gasingan, Darwin Alvarez, Edrick John Borak, Renato Dacuya y Reblado, PO3 Emiliano Pantaleon y Felix at PO1 Elueterio Mina y Atayde, nakatalaga sa Teresa Muni­cipal Police Station.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril bandang alas-6:05 Huwebes nang gabi sa loob ng Carissa Homes East-1, Barangay Bagumbayan, Teresa, Rizal.

Una umanong binaril si Ruben Francisco kasunod si Wilfredo D. Lukban sa panulukan ng Block 3, Lot 48 sa loob ng subdivision.

Nagawa pa umanong mang-agaw ng suspek ng isang motorsiklo na pag-aari ni Nenita Gatdula y Pineda, 57-anyos na resi­dente din ng subdivision.

Ayon kay Gatdula, tinutukan siya ng baril ng suspek at sapilitang inagaw ang kanyang Yamaha Mio 125 at habang patakas ang suspek ay mu­ling namaril na ikinasawi naman ni Celso Bernales, isang tricycle driver na nag-aabang ng pasahero sa CHE1 TODA Terminal, Carissa Homes East-1, Barangay Bagumbayan

Ang mga nasugatan na sina Gasingan, Alvarez, Borak at Dacuya ay pawang nasa tricycle terminal nang mangyari ang krimen.

Agad namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Teresa Municipal Police Station na sina PO3 Pantaleon at PO1 Mina subalit maging sila ay pinaputukan din ng suspek habang papasok ng Carissa Homes.

Agad na dinala ang mga biktima sa St. Therese Hospital habang patuloy na tinutugis ng Teresa Municipal Police Station ang suspek na huling nakita na nagtu­ngo sa Morong, Rizal.

Nakipag-ugnayan na rin ang Teresa Police kay PSInsp. Roderick Bino, deputy chief of police ng San Andres Municipal Police Station, Catanduanes sakaling magtungo ang suspek sa Catanduanes na kung saan ay kilalang pamangkin ito ng barangay chairman na si Rudy Satairapan, ng Agojo, San Andres, Catanduanes.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy