Una sa Balita

Tricycle driver niratrat sa ulo

0 357

Patay ang 27-anyos na tricycle driver nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang salarin sa Pasay City, Huwebes ng gabi.

Limang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Maurice Castillo, na dinala pa sa Pasay City Gene­ral Hospital pero hindi uma­bot nang buhay.

Batay sa ulat ng pulis­ya, alas-9:45 nang gabi ng maganap ang krimen sa harap ng bahay ng biktima sa Brgy. 30 ng naturang lungsod.

Kinukumpuni ni Castillo ang pampasada nitong motorsiklo, nang lumapit sa likuran nito ang mga salarin at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima bago tumakas.

Agad na isinugod ng mga kaanak si Castillo sa nasabing pagamutan pero hindi na ito umabot nang buhay.

Blangko pa rin ang mga imbestigador sa pagkakakilanlan ng mga salarin dahil sa walang nais lumantad sa mga residente para kilalanin ang mga ito.

Hinihinala naman ng pulisya na may kinalaman umano sa iligal na droga ang pamamaslang sa biktima dahil sa pagkakasangkot niya dito kung saan kabilang siya sa drug watch list sa Pasay City at miyembro rin umano ng isang robbery hold-up group.

Dati na ring inaresto sa kasong panggagahasa si Castillo ngunit hindi naipakulong nang umatras ang nagrereklamong na nabiktima nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente para makilala ang mga salarin. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More