Una sa Balita

Tricycle driver nagsoli ng ₱71K, 2 cellphone

0 177

NAGING bukambibig na ang ­salitang “basta driver, sweet lover”. Subalit hindi lang ito ang dapat ipahid sa mga tsuper dahil marami din sa kanila ay hindi puro kapilyuhan ang nasa utak, kundi ang kabutihan din sa kapwa tao.

Tulad na lamang ng ginawa ng tricycle driver na si Rudy dela Cruz ng Kalibo, Aklan na nagsauli ng mahigit P71,000 at dalawang mamaha­ling cellphone na mga laman ng bag na naiwan ng kanyang pasahero.

Ayon kay Dela Cruz, nakali­mutan umano ng kanyang pasahero ang naturang bag kaya’t minabuti niyang dalhin sa isang himpilan ng radyo dahil sa tiwala itong maibabalik ito sa may-ari.

Dagdag pa ng driver, sa takot sa Diyos ay hindi niya pinag-interesan ang pera at gadget sa bag dahil sa ayaw umano niyang madungisan ang marangal niyang pamumuhay.

Sa ginawang panawagan ng ­Bombo Radyo sa nawalang bag, napakinggan naman ito ni Lynet Alcedo kaya’t agad na pumunta sa istasyon para kunin ang naiwan niyang gamit.

Laking pasasalamat din ni Alcedo kay Dela Cruz dahil ang pera ay ipinadala lamang ng kanyang anak na nagtatrabaho sa abroad at gagami­tin sanang puhunan sa negosyo.