Una sa Balita

Trending sa 2022

0 526

Advance tayong mag-isip na mga Pinoy. Kalagitnaan pa lang ng taon ay sinasabi na natin na nasa may kanto na ang Pasko. Kaya hindi nakapagtataka na at this early, napag-uusapan na rin ang mga posibleng presidentiable sa 2022.

Of course, hindi ibig sabihin nito ay ayaw na ng mga Pinoy kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte. Ang mataas niyang ratings­ ang nagsasabi na kung wala lang limitas­yon sa ating Konstitus­yon ang pagtakbo bilang presidente, malamang na siya pa rin ang panalo sa 2022. Pero dahil sa term limit, gaano man kaganda ang kanyang performance ay kaila­ngan niyang ipasa sa iba ang tungkulin.

Sino-sino nga ba ang mga posibleng magsa­bong sa 2022?

Isa na riyan si Sen. Ping Lacson. Tulad ni Pa­ngulong Duterte, bukod sa pagiging disciplina­rian ay ayaw rin niya sa katiwalian. Taon-taon ay hindi niya kinukuha ang kanyang P200 milyon na Priority Development Assistance Fund o PDAF dahil para sa kanya ay ugat ito ng katiwalian.

Bago siya naging senador ay matagal siyang nagserbisyo bilang pulis at naging anti-crime czar bago naging PNP chief. Siya rin ang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery para sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda noong panahon ni PNoy.

Tumakbo na siya sa pagkapangulo noong 2004 bilang independent at pumangatlo sa karera kina GMA at FPJ. Sa 2022 ay baka mas hindi masikip ang karera para kay Ping at posibleng makahila siya ng sorpresa.

Round two naman para kay Sen. Grace Poe ang 2022. Unfinished business ‘ika nga para sa senadora ang presidency. Noong 2013 ay nanguna siya sa senatorial race kaya naging matunog siya sa pagkapangulo. Tumakbo siya bilang independent candidate noong 2016 pero puma­ngatlo lang kina Pangulong Duterte at dating DILG Secretary Mar Roxas.

Bagaman at pumangalawa lang siya kay Sen. Cynthia Villar sa 2019 senatorial race, mara­ming political analyst ang nagsasabing nananatiling presidential timber ang senadora lalo pa at taglay niya ang pamosong apel­yido ng kanyang ama na malakas ang recall sa mga probinsya.
Hindi naman nakapagtataka kung susubukan ni Sen. Cynthia Villar na tumakbo sa pagkapa­ngulo sa 2022. Siya ang number one sa nakaraang senatorial race, at napakaganda ng kanyang mga numero—25 million votes, the most votes in election history.

Related Posts

Hasang-hasa siya bilang public servant dahil bago naging senador ay naging kongresista ng Las Piñas sa loob ng siyam na taon. Matunog siya sa mga probinsya dahil aktibo siyang tumutulong sa mga residente ng mahihirap na barangay, at may mga progra­mang pangkabuhayan ang kanyang mga pribadong kompanya para sa mga ito. Pinakamayamang senador, kaya niyang pondohan ang kampanya nang hindi aasa sa tulong ng mga sponsor—na isang magandang aspeto para hindi siya ma-pressure sa paggawa ng mga desisyon sakaling siya’y manalo.

Patuloy ang pagtatrabaho at pagmamalasakit ni Sen. Bong Go sa ating mga kababayan mula noong panahon ng kampanya hanggang ngayon. Namana niya ang sipag ni Pangulong Duterte pagdating sa public service. Mahuhusgahan na ang kanyang kapasidad bilang mambabatas, at kung hindi lalaylay ang kanyang energy ay malamang na pasok siya sa listahan ng mga tatakbo sa 2022. Siya rin ang posibleng tanging magpatuloy ng mayorya ng mga big ticket projects ng Duterte administration sakaling maging pangulo. The ultimate dark horse ang dating ni Sen. Go!

Kung popularidad ang batayan, mahirap pantayan si Sen. Manny Pacquiao. Solid ang suporta sa kanya ng kanyang fans talo o panalo man siya sa kanyang laban. Ang 2022 ang tamang panahon para sa kanya para subukan ang presidency. Sa aking palagay, at sa tingin ko ay aayon kayo sa akin, pag pinalampas pa niya ang 2022 ay hindi na siya ganoon kainit pagsapit ng 2028.

Isa pang popular na pigura si Senate President Tito Sotto. Kumpleto ang kanyang bala sa kampanya lalo pa at bahagi siya ng sikat na noontime show, may kapatid na celebrity na sobrang sikat, at may pamangkin na local official na paborito ng netizens. Matagal na rin siyang mambabatas at ‘ika nga ay hinog na para maging pangulo. Maraming Sotto ang nanalo sa 2019 elections at pruweba iyon na may suporta ng voters ang kanilang angkan.

Isang hakbang na lang sa presidency si Vice President Leni Robredo. Walang ibang puwedeng ikasa sa 2022 ang oposisyon maliban sa kanya. Iyon nga lang, dahil walang nanalong senador mula sa kanyang partido sa nakalipas na halalan, medyo masikip para sa kanya ang karera kaya ang LP ay dapat na kumayod nang todo simula ngayon para makabawi sila sa matinding pagkatalo at maipostura siya sa pagkapangulo.

At heto ang isa pang matunog ngayon—Manila Mayor Isko Moreno. Lagi siyang laman ng mga balita. Nalinis niya ang Maynila unti-unti, at hindi nagpa-pressure sa mga vendor na naghahari-harian sa mga kalye. Nakuha niya ang political will ni Pangulong Duterte. Kung hindi mapapagod si Isko at bukod sa paglilinis sa lungsod ay mapapaangat niya ang buhay ng mga Manilenyo at makapagtatayo ng mga imprastruktura, siya na siguro ang posibleng ikalawang artista na puwede maging pangulo sa 2022!

Another dark horse naman para sa akin si Davao City Mayor Inday Sarah Duterte sapagkat ayaw ng kanyang ama na pasukin nito ang pampanguluhang halalan. Nasa kanya ang mga katangian ng isang mahusay na lider. May karisma at kontrol, at pinatunayan na niya iyon sa maraming pagkakataon. Sakaling magdesisyon siyang tumakbo sa 2022, aba, siya na ang siguradong magiging Digong Jr!

Kayo, mga kaabante, sino sa mga nabanggit ko ang bet n’yo?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy