Una sa Balita

Traslacion gawing makatao, maka-Diyos, makabayan, makakalikasan

By
0 1,857

Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga deboto na gawing makatao, maka-Diyos, makaba­yan at makakalikasan ang idaraos na Traslacion 2018.

Sinabi ni Tagle na ipinagdarasal din niya na ang pakikilahok ng mga deboto sa Traslacion 2018 ay mauuwi sa mas malalim na pagkilala kay Hesus.

Umaasa si Tagle na ang pakikilahok ng mga deboto sa lahat ng aktibidad sa kapistahan ay lalo ring magpapalapit pa sa kanila kay Hesus, bilang ‘Daan ng Buhay’.

Hinikayat din niya ang mga deboto na pangatawanan ang pananampalataya sa Itim na Nazareno tungo sa mabubuting gawa sa kapwa at ipinaalala na si Hesus ang daan, katotohanan at buhay.

“Sana po maging makakalikasan ang ating pagdiriwang. Makatao, makabuhay, maka-Diyos, at makabayan.

Magkita-kita po tayo sa darating na kapista­han. Maraming salamat po,” panawagan pa ni Cardinal Tagle sa church-run Radio Veritas.

Hinimok pa ng Cardinal ang lahat ng deboto at mga mananampalataya na ipanalangin ang katiwasayan at malayo sa panganib ang mga deboto na makikiisa sa prusisyon.

Kaugnay nito, tiniyak ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Manila Police District (MPD) na handang-handa na sila sa gagawin nilang pagbibigay ng seguridad upang matiyak na magiging ligtas ang tinatayang 19 milyong deboto na sasama sa pagdaraos ng itinuturing na pinakamalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.