Una sa Balita

#TRASH-lacion insulto sa deboto

0 550

Sa tanong ng Social Weather Stations sa isang sarbey na isinagawa noong 15-17 Pebrero 2013 na “Paminsan-minsan iniisip ko na baka umalis na ako sa Simbahang Katoliko,” 9.2 % ng mga tinanong na Katoliko o isa sa labing-isa ang nagsabing “oo.” Nakita din sa sarbey na ito na mas marami na ngayon ang nabawasan na ang pagdalo sa misa sa loob ng limang taon.

Ito ang sitwasyon sa buong Pilipinas, ngunit hindi sa Quiapo. Hindi lamang sa nagdaang Traslacion ito makikita, ang mga misa sa Quiapo lalo tuwing Biyernes at Linggo ay umaapaw pa madalas sa kalsada ang dami ng tao.

Maaaring sabihing dahil ito sa mga sinasabing hiwaga ng Poong Hesus Nazareno ngunit sa aking obserbasyon, karagdagan dito ang pagpasa ng deboto ng debosyon sa kanilang mga anak. Kapansin-pansin ang dumada­ming mga kabataan na sumasali sa prusisyon. Subalit marami ang bumabatikos sa ilang mga kabataang ito na tila “payabang” lamang ang pagsampa sa andas o pagsalang sa lubid.

Kung titingnan, halos lahat ng nakapanayam kong deboto na malalim at seryoso sa kanilang debosyon ay nagsimula din noong una dahil sa barkada, trip-trip lang. Ngunit dahil may mga pormasyon ang mga balangay at mga Hijos groups na isinasagawa, lumalalim din ang kanilang pagkakaintindi sa mga katuruan ng simbahan. Kaya kailangan lang siguro nang kaunting pasensya. Bata e. Pero yang mga batang yan lalalim din at magiging buhay at kinabukasan ng debosyon.

Iniisyu rin ng marami ang nagkalat na basura na naiwan, tinawag pa nilang #Trash-lacion ang Traslacion. Pinag-usapan namin ito ni Prop. Van Ybiernas sa Dulowtard History Live sa Facebook. Ilang punto namin:

(1) Bawal magdala ang deboto ng bag pero wala namang sapat na basurahan. Walang dala ang sasampa ni cellphone para ‘di makapanakit, gusto mo dalhin niya ang basura niya habang nakasalang? Ang mahalaga, gawin ng estado ang trabaho nito na maglinis pagkatapos.

(2) Alam niyo ba na may mga boluntir na naglilinis ng kalsada bago dumaan ang andas para siguruhing walang mga bubog, at matapos dumaan ang prusisyon, may mga nagwawalis na boluntir at MMDA sa likuran na pagkatapos ng sampung minuto ay parang walang naganap na prusisyon sa linis?

(3) Kung may basura, ibig sabihin may kumonsumo. Di ba maganda sa ekonomiya na gumastos ang tao sa araw na iyon? May makakakain ang pobreng vendor, iikot ang pera sa Maynila.

(4) Ito na lang: Noong isang taon tinatayang mahi­git isandaang trak ang nakolektang basura. Ngayong taon, 45 trak lamang! Magandang balita! Ngunit ito ba ay pinag-uusapan?

Hindi natin sinasabing tamang magtapon ng kalat pero may konteksto ang basura noong Traslacion.

4.5 milyon ang tumungo sa prusisyon, magkakaroon talaga ng basura, pero lahat ba yun nagtapon sa kalsada Ang terminiong #Trash-lacion ay isang insulto sa ordinaryong deboto na karamiha’y disiplinado naman.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy