Una sa Balita

Transport Watch nilunsad

By
0 2,504

INILUNSAD ng grupong naghahangad ng pagbabago sa kalagayan ng transportasyon sa bansa – ang ‘Transport Watch’ na magsisilbing mata at tagapagbantay sa mga isyung may kinalaman sa problema sa transportasyon kamakailan sa Makati City.

Kabilang sa mga na­nguna sa paglulunsad sina Transport Watch convenor Noemi Dado, transport advocate at co-convenor ng Two Wheels One Nation George Royeca at dating Ateneo dean Law School Tony La Vina na tutuon sa kasalukuyang kalagayan ng transportas­yon, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang mga malalaking lungsod sa buong kapuluan tulad ng Cebu at Davao.

Ayon kay Dado, tututukan nila ang pagsusulong sa wastong panun­tunan at paglikha ng batas na magsusulong sa higit na maayos na alternatibong transportasyon, pag-aaral sa tamang kaligtasan sa daan at pagpapaabot ng mga kaalaman hinggil dito sa mga mamamayan sa pamamagitan ng media.

Sa kasalukuyan aniya, ang sector ng transportasyon sa bansa ay nahaharap sa mga ha­mon at suliranin, kabilang na ang kakulangan ng pa­ngunahing transportasyon at ang madalas na pagkasira ng Metro Rail Transit (MRT) na nagiging dahilan upang mamayagpag ang mga hindi awtorisadong uri ng transportasyon tulad ng habal-habal na ang ginagamit bilang paghaha­nap ng kanilang kliyente ay ang social networking sites ng Facebook.

Dahil dito, binansagan ng grupo ang Facebook bilang bagong ‘Transport Network Company’ dahil ginagamit ito ng mga operator ng habal-habal upang mag-alok ng kanilang serbis­yo sa pamamagitan ng social network.

Tulad ng Grab, naka-post sa Facebook ang ruta at presyo ng mga habal-habal sa kanilang kli­yente subalit kinakaila­ngan nilang burahin ang pangalan ng driver matapos ang transaksiyon. Sinabi naman ni Dean La Vina na ang habal-habal ay walang iniaalok na insurance, walang proteksiyon at walang wastong pagsasanay na labis na naglalagay sa mga mananakay ng peligro sa kanilang buhay. Kabilang naman sa mga dumalo sa paglulunsad ng naturang proyekto si Department of Transportation Assistant Secretary Elvira Medina na kumakatawan sa commuters sector. (Armida Rico)