Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Transition of power

0 103

Ilang linggo na lamang at matatapos na ang anim na taong termino ng Duterte Administration sa June 30,2022.

Mayroon ng papasok na bagong administrasyon kaya naman bumuo na ang Malacanang ng Presidential Transition Commitee sa pamamagitan ng Administrative Order 47 para sa maayos na pagsasalin ng kapangyarihan sa bagong uupong Presidente sa July 1.

Pangungunahan po ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Presidential Transition Committee na magsisilbing overall at central coordinator ng national government at makakatuwang nito ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM) at National Economic and Development Authority (NEDA).

Ang PTC po ang magsisilbing timon at mangangasiwa sa lahat ng transition activities ng buong gobyerno para masigurong tuloy-tuloy lamang ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Bumuo na rin ng transition team ang lahat ng departamento at ahensiya ng pamahalaan para maayos na maisalin sa susunod na mga mangangasiwa sa gobyerno ang mga programa, proyekto at operasyon ng bawat ahensiya ng pamahalaan.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte po ang nagbigay ng katiyakan ng isang maayos na turn-over sa bagong administrasyon at katunayan, inimbitahan niya ang sambayanan sa June 30 para samahan siya sa inagurasyon at pagsalubong sa bagong presidente ng bansa sa Malacanang.

Sa ngayon ay nakahanda na ang internal transition team ng iba’t ibang ahensiya para sa mga inaasahang pagpupulong at sa mga darating na araw at linggo ay aasahang magiging puspusan na ang mga pag-uusap.

Sa pagbaba po ni Pangulong Duterte ay iiwan nito ang mga legasiya ng pagbabago sa anim na taon nitong pagpapatakbo sa gobyerno, kabilang na dito ang bunga ng kampanya sa illegal na droga, katiwalian at malalaking proyekto at imprastrukturang nagawa sa Ilalim ng Build,Build,Build program.

Hangad po ng Presidente na sana ay maipagpatuloy ng bagong administrasyon ang kampanya laban sa illegal na droga para maligtas ang mga kabataan at susunod na mga henerasyon sa masamang epekto nito, lalo na sa aspeto ng krimen at peace and order.

Ganito rin po ang hangad ng mga paalis na opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sana ay maipagpatuloy ng susunod na kalihim ang kampanya laban sa illegal na droga para umunlad ang bansa.

Kapag mababa po ang krimen na may kaugnayan sa illegal na droga,mas marami ang mga mamumuhunang papasok sa Pilipinas para magnegosyo at magbigay ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino.

Bawat ahensiya at departamento ng gobyerno ay nais na maipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan at mga patapos na mga programa para magtuloy-tuloy ang maayos na paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.

Para sa Department of Health, hihilingin nila sa bagong administrasyon na ituloy ang mga programa at polisiya na ginagawa sa pagtugon sa COVID-19 pandemic lalong lalo na sa vaccination at tapusin ang mga hindi pa natapos ng administrasyon partikular sa pamamahagi ng booster shot at sa mga natitira pang mamamayan na hindi pa nakatanggap ng COVID vaccine.

Ilalahad ng DOH officials at iisa-isahin ang mga programang dapat na iprayoridad para maihanda ito ng mga opisyal na susunod na magpapatakbo sa departamento.

Umaasa rin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na magpapatuloy ang modernisasyon ng kanilang hanay partikular sa mga kagamitan at isa ito sa prayodidad ng susunod na mamumuno ng bansa.

Irerekomenda naman po ng Department of Agriculture sa kanilang gagawing transition meeting sa bagong administrasyon na tutukan at bigyang-prayoridad at kunsiderasyon ang agrikultura at dapat buhusan ng malaking budget para mapaangat ang sektor ng mga magsasaka.

Sa panig naman po ng Department of Budget and Management kung saan miyembro ang departamento sa PTC, nakikipag-ugnayan na po sila sa kanilang counterpart para mailahad and mga programa at mga isyung kailangang unahin para sa maayos at pulidong pagpapalit ng trabaho at responsibilidad para sa mga bagong magpapatakbo at mangangasiwa sa ahensiya.

Lahat ng mga ahensiya at departmento ay handang-handa na para sa transition at aasahan pong simula sa linggong ito ay magiging puspusan na ang mga pag-uusap at mga pagpupulong para sa maayos na pagpapatuloy ng takbo ng gobyerno.

Mababago man ang komposisyon ng mga opisyal na magpapatakbo ng gobyerno, nakalatag na ang mga programa at itutuloy na lamang ito para sa kapakanan at kapakinabangan ng sambayanan Pilipino.

Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Duterte, isa-alang alang at unahin muna ang kapakanan ng mga Pilipino para sa isang mas maayos at maunlad na kinabukasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.