Una sa Balita

Trangia ibabalik ng US

By
0 1

May pag-asang maibalik sa Pilipinas ang tumakas na miyembro ng Aegis Juris fraternity na pangunahing suspek sa pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, isang magandang development sa kaso ang pag-alok ng tulong ng Department of Homeland Security (DHS) ng Estados Unidos sa gobyerno ng Pilipinas upang maha­nap at maibalik sa bansa si Ralph Trangia, ang itinuturong principal suspect sa pagkamatay ng 22-anyos na biktima.

Kasama ni Trangia ang inang si Rosemarie nang umalis sa bansa noong Setyembre 19, isang araw bago naipalabas ng DOJ ang lookout bulletin order laban sa kanya at mga ka-brod sa Aegis Juris.

Dagdag ni Aguirre, nakausap niya ang isang opisyal ng DHS at handa ito na tulungan ang pamahalaan para sa ikalulutas ng krimen.

Ibinunyag din ng Kalihim na personal siyang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte para ipaalala sa kanilang Cabinet meeting ang kanselasyon ng mga travel documents ni Trangia sa Department of Foreign Affairs (DFA) para masigurong mapapabalik ito sa Pilipinas.

Narinig din umano ni Aguirre na tinawag ng Pangulo ang isang opisyal ng DFA upang maging kinatawan sa Secretary of State ng Amerika para sa deportasyon ni Trangia pabalik sa Pilipinas.