Una sa Balita

Trak nanuwag ng kabahayan: 3 patay, 9 sugatan

0 243

Patay ang tatlong miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang 4-anyos na bata habang siyam na iba pa ang sugatan matapos na mabalahaw sa kalsada ang isang cargo truck at magtuloy-tuloy na dumausdos sa mga kabahayan sa bayan ng Sibuco, Zamboanga Del Norte.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dwayne Santiago, 4-anyos; James Bryan Santiago, 18; at Rodolfo Santiago, 60, pawang mga residente ng Sitio Lipuno, Barangay Limpapa ng nabatid na bayan.

Ginagamot naman sa Labuan Public Hospital Medical Center ang iba pa na nakilalang sina Zyramae Santiago, 11 buwang gulang; Allan Jailani; Domiciano Roxas Estenzo, 60; Roceny Calago Marcial; Sherry Jane Bulalang Estenzo, 8; Sarah Jane Bulalang Estenzo, 29; Mary Rose Estenzo Reso-Or, 37; Delmar Rstenzo Reso-or, 8; at Roderick Guevara Estenzo, 4.

Bahagya ring nasugatan ang drayber ng cargo truck na nakilalang si Jayson Tejeros De Leon, 35, na ngayon ay nakapiit na sa Sibuco Municipal Police Station at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injuries.

Sa ulat ng Police Regional Office 9 na ipinadala sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-7:20 nang gabi sa kahabaan ng National highway sakop ng Sitio Lipubo, Limpapa, Sibuco, Zamboanga del Norte.

Sa inisyal na ulat, patungo ang trak na minamaneho ni De Leon sa Zamboanga City nang aksidenteng mabalahaw ito sa kalsada at magtuloy-tuloy na bumulusok sa mga kabahayan na nakatirik sa ibabang bahagi ng gilid ng kalsada partikular sa bahay ng pamilya Santiago at Entenzo. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy