Una sa Balita

Trak na may kargang kemikal tumagilid sa Maynila

By
0 141

SINUSPENDE ang klase sa Arellano University matapos na tumagilid malapit sa kanilang unibersidad ang isang trak na naglalaman ng mga nakalalasong kemikal kahapon ng mada­ling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa Manila Police District (MPD), dakong alas-tres ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa Legarda Avenue, tapat ng Arellano University sa Sampaloc.

Nabatid na nangga­ling umano ang trak na minamaneho ni Aljon Porton sa South Harbor at magdedeliber sana ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga foam sa Taytay, Rizal nang maaksidente ito pagsapit sa naturang lugar.

Sinabi ni Porton na biglang tumilapon ang container van na sakay ng kanyang trak kaya’t nawalan siya ng kontrol sa manibela at tumagilid ang sasakyan.

Sa impact ng pagtagilid, nabangga rin ni Porton ang isang nakaparadang L300 van sa harapan ng unibersidad.
Nayupi ang van at nasira ang trak pero wala namang nasaktan sa aksidente.

Kaagad namang nagsagawa ang Manila Disaster Risk Reduction Office (MDRRO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ng clearing operations sa Legarda Avenue para maalis ang mga drum na naglalaman ng kemikal na tumapon mula sa tumagilid na trak.

Nagdulot ng pangamba sa mga tao sa lugar ang kargang mga kemikal ng trak, lalo na nang tumagas ang mga ito sa harapan mismo ng entrance ng unibersidad at sumingaw ang masangsang na amoy.

Sanhi nito, ipinasya ng pamunuan ng ­Arellano University na suspendihin ang klase at trabaho rito.

Sinabi naman ni Fire Senior Inspector Hector Agadolin, ng Sampaloc Fire Station, na hindi nila basta-basta magalaw ang kemikal dahil baka sumabog kaya ingat na ingat sila sa paglilinis nito.