Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Training, trabaho sa tulong ng teknolohiya

0 265

May siyam na taon na po ang nakararaan nang ilunsad natin ang TESDA Online Program o TOP para libreng makapag-training ang mga Pilipino gamit ang kanilang mga gadget at internet.

Kasabay nito, isa-isa rin nating binuksan ang iba’t ibang mga training program na swak sa pangangailangan ng mga industriya lalo na po sa manufacturing, IT-BPO at semi-conductor and electronics.

Parehong panahon din po noon kung kailan umarangkada ang “Fourth Industrial Revolution” o ang malawakang paggamit ng digital technology tulad ng artificial intelligence, robotics, at cloud computing sa maraming aspeto ng ating buhay at ekonomiya.

Sadyang napakalaki po ng impact ng digital technology sa sektor training at trabaho. Kung hindi po swak ang training ng ating mga kabataan sa mga trabahong naghihintay, mahihirapan po silang ma-hire at magkakaroon din ng kakulangan sa mga talent at worker na hinahanap ngayon ng mga industriya.

Sa obserbasyon po natin, hindi naging hadlang ang pandemya sa patuloy na pag-unlad ng digital technology bagkus ay pinabilis pa nito ang mga research and development para lalong magamit ang mga bagong teknolohiya sa “new normal” ng kalakalan, agrikultura, banking, at education, gayundin po sa pandemic response.

Sa kasagsagan ng pandemya, ang dalawang sikat na mga entrepreneur na sina Sir Richard Branson ng Virgin Atlantic at Jeff Bezos ng Amazon ang lumipad papuntang outer space sakay ng kanilang imbesyong “spaceship” – patunay sa lawak at tayog na pwedeng marating ng mga tao sa tulong ng teknolohiya.

Maaalalang isa rin ang Amazon sa mga unang gumamit ng “Kiva Robots” sa kanilang mga warehouse sa Amerika para mas mabilis na makarating ang mga produktong binili online sa kanilang mga customer sa apat na sulok ng mundo.

Hindi po ba’t teknolohiya rin ang sumasagip ngayon sa buong mundo laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng mga bakuna at iba pang mga kaakibat na mga makina at aparatong nagliligtas ng buhay?

Bilang inyong Tesdaman, ang mga oportunidad na hatid ng 4IR ang isa sa mga sinisikap nating palawakin sa pamamagitan ng pag-aksyon natin sa Senado at para matiyak na handa ang mga Pilipino sa mga trabahong ibinubunga ng digital technology.

Halimbawa, itinaguyod po natin ang “web-based training” sa ating “Tulong-Trabaho Law” para higit na mapondohan ang tech-voc training lalo na po ng mga manggagawa sa mga small and medium enterprise (SME) sa pamamagitan ng distance learning modality.

Bukod po sa makatutulong ito para maengganyong mag-training ang ating mga kababayan anumang oras nila gustuhin, mas madali ring mabibigyan ng tinatawag na “upskilling” ang ating mga manggagawa para makasabay sila sa mga pagbabagong hatid ng teknolohiya.

Ang good news, ang sinimilan nating TESDA Online Program noon, may mahigit 3-milyong mga registered user na po ngayon! Mula sa 15 kurso noong 2012, umaabot na po sa 103 na mga tech-voc course ang pwedeng makuka sa TOP nang libre.

Isa po sa mga pioneer trainee ng TOP noong 2012 si Gricelle Claveria kung saan siya kumuha ng kursong Computer Hardware Servicing NC II na naging daan naman para agad siyang ma-hire ng isang BPO Company bilang I.T. Helpdesk.

Dahil sa malaking potensyal ng digital technology na makalikha ng trabaho, inaaksyonan po natin sa Senado ang “Digital Careers Act” para mas marami pang kabataan, manggagawa, SME at industriya ang magbenepisyo sa iba’t larangan ng digital technology.

Misyon po ng inyong Tesdaman na lalong palawakin ang training dahil ito ang magiging daan sa maraming magagandang trabaho at sa mas masayang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.