Una sa Balita

Trahedya sa mga resort

0 1,583

Bagama’t maituturing na mapayapa at maayos sa pangkalahatan ang paggunita sa Semana Santa, nakakalungkot pa rin isipin ang ilang trahedya na naganap nitong mga nakaraang araw.

Wala pang datos mula sa Philippine National Police o iba pang ahensiya ng pamahalaan na nagbantay sa mga kaganapan nitong Kuwaresma. Ngunit batay sa inisyal na ulat ng Abante TONITE, nakapagtala ng 23 nasawi at 43 na mga sugatan sa mga aksidenteng nangyari mula noong Huwebes hanggang Biyernes Santo pa lamang.

Karamihan sa mga namatay o 12 dito ay dahil sa pagkalunod. Ang 11 nasawi ay dahil sa vehicular accident.

Tag-init na kasi kaya peak season na rin ang mga beach resort. Ngunit bakit nagkakaroon ng mga sakuna sa mga lugar na ito? Dahil walang first responder kapag may emergency. Ang ibang resort ay walang kuwalipikadong lifeguard para makatugon agad kapag may kinakailangang saklolohan. Napakahalaga ng first responder o lifeguard sa isang resort dahil buhay ang kanilang pangunahing sasagipin.

Tungkulin ng mga ahensiya ng pamahalaan lalo na ang mga local government unit na tiyakin na may sapat na pasilidad at tauhan ang mga resort sa kanilang lugar para sa emergency. Hindi lang dapat puro negosyo ang kanilang inaatupag kundi responsibilidad din ng mga resort na bantayan at tiyakin ang kaligtasan ng mga tumatangkilik sa kanilang lugar.

Katulad sa Siargao na isa na rin sa mga sikat na tourist destination ngayon ngunit natuklasan ngayong Semana Santa na wala pala itong kahandaan upang tugunan ang mga sitwasyong emergency. Sa dami ng turistang nagtutungo sa Siargao ay wala palang kakayahan ang mga beach resort dito na rumesponde kapag may mga aksidenteng naganap.

Dapat maging balanse ang pagpapalago ng turismo sa bansa at ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga turista, lokal man o dayuhan.