Una sa Balita

Trafficking ng mag-iinang Iranian napigilan sa NAIA

By ,
0 1,063

Napigilan ang tangkang pagpuslit sa Pilipinas ng hinihinalang international trafficking syndicate sa isang mag-iinang Iranian na nagpanggap bilang mga Belgian national matapos maharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ulat na ipinara­ting kay Immigration Commissioner Jaime Morente, pinigil ang mag-iina noong Disyembre 23 (Sabado) sa Terminal 1 ng NAIA nang lumapag ang kanilang sinakyang Thai Airways flight mula sa Bangkok.

Sinadyang hindi banggitin ang pangalan ng mga mag-iina dahil ang dalawa sa kanila ay mga bata at biktima lang ng sindikato na nagbigay sa kanila ng mga pekeng Belgian passport.

Nabatid na nagduda ang mga immigration officer nang ipresinta ng mag-iina ang kanilang Belgian passports para sa inspeksiyon.

Isinailalim sila sa pangalawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Travel Control and Enforcement Unit ng BI sa counter. Sa pag-iinterbyu umano sa sa ina ay hindi nito maipaliwanag ang pakay sa pagpunta nila sa Pilipinas.

Sinuri din ang kanilang mga Belgian passport ng Anti-Fraud Section ng BI na nagbigay ng sertipikasyon na peke ang mga nasabing dokumento.

Idineklara ang mga bio-pages ng kanilang mga pasaporte na huwad partikular ang mga pahina 3 at 4 na umano’y binago.

Agad silang ibinukod sa ibang pasahero at ikinuha ng unang flight pabalik sa kanilang pinanggalingan.