Una sa Balita

Traffic enforcer tinadtad ng bala sa ulo

By
0 3

Bangkay na bumulagta at halos nawasak ang bungo ng isang traffic enforcer makaraang tambangan ito at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City kahapon.

Sa report kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang biktimang si Teogenes Mendez y Bucay, 51, brgy. traffic enforcer, tubong Bohol at nakatira sa Block 1, Lot 6, Sampaguita St., QC. Mabilis namang tumakas ang hindi pa kilalang mga suspek na lulan ng yellow na Yamaha MIO na hindi naplakahan.

Nangyari ang insidente alas-sais ng umaga sa Ilang-Ilang St., sa tapat ng Divine Mercy School Maligaya Park Subd. ng nasabing barangay.

Sa report, parehong sakay ng kani-kanilang motorsiklo ang biktima at mga suspek at nang abutan ng tandem ang biktima ay basta na lang pinagbabaril hanggang sa walang buhay na bumulagta.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay bumaba pa ng kanilang motorsiklo ang backrider at kinuha ang sling bag at hand held radio ng biktima.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Opera­tives, narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril habang ang biktima ay nagtamo ng multiple gunshot wounds sa kanyang ulo.

Blangko pa ang CIDU kung ano ang motibo sa pamamaslang. Pa­tuloy ang imbestigasyon at inaalam din kung may CCTV sa lugar para maka­tulong sa imbestigasyon at matukoy kung sino ang posibleng mga suspek sa krimen.