Una sa Balita

Traffic enforcer sa Pasig timbog sa kotong

0 298

Arestado ang isang traffic enforcer matapos na kotongan nito ang dalawang security guard na nahuli niyang nagkaroon ng traffic violation sa isinagawang entrapment operation Linggo ng gabi sa Pasig City.

Hindi na nakapalag ang suspek na nakilalang si Rente Caberto, 36, Traffic Parking Management Office ng Pasig City police, nang posasan ito ng pulisya matapos tanggapin ang halagang P500 na marked money na ibinigay sa kanya ng mga complainant na sina Gerald Viernes, 34, at Marco Leoberda, 30, parehong security guard dakong alas- 6:00 ng gabi kamakalawa.

Base sa reklamo ng dalawang biktima, dakong alas 5:30 ng hapon noong Agosto 31 nang hulihin sila ng suspek habang magka-angkas sa isang motorsiklo sa kahabaan ng Ortigas Avenue , Barangay Ugong ng lungsod na ito dahil sa walang helmet ang isa sa kanila.

Matapos na ipaalam sa kanila ang kanilang violation sinabi ng suspek na maayos umano nila ang kanilang violation sa halagang P2,000 subalit kulang ang pera ng mga biktima at P1,400 lang ang naibigay sa traffic enforcer.

Kinuha ng suspek ang P1,400 na pera pero kinuha pa nito ang cellphone ng isa sa mga biktima at maisasauli lang ito kapag naibigay na ang P500 kulang.

Tumagal pa ng isang linggo bago nagdesisyon ang mga biktima na magtungo sa himpilan ng pulisya at ipaalam ang insidente dahilan upang agad magsagawa ng entrapment operation ang awtoridad laban sa suspek.

Dakong alas 6;00 ng gabi ng Linggo ay nakipagkita ang mga biktima sa suspek sa IPI Ortigas Avenue Extension at matapos na maibigay dito ang halagang P500 marked money ay saka ikinasa ang pagdakip ng pulisya sa suspek.

Nakuha sa pag-iingat nito ang cellphone na pag-aari ng isa sa biktima gayundin ang P500 marked money sa isinagawang entrapment operation.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek sa Pasig City PNP detention cell habang sinampahan na ito ng kaukulang kaso dahil sa kanyang ginawa.(Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy