Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Traffic enforcer niratrat ng sinitang motorista

0 59

Sugatan ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau matapos pagbabarilin ng sinitang motorista kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Inoobserbahan ngayon sa Tondo General Hospital dahil sa apat na tama ng bala ang biktimang si Mark Macmelan, nasa hustong edad. Inaalam naman ng Manila Police District ang pagkakilanlan ng suspek na inabandona ang sinasakyang brown Mitsubishi na walang plaka.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District Station 1, naganap ang insidente alas-11:30 ng umaga sa may Juan Luna St., Tondo kung saan naka-duty ang biktima.

Nalaman na may nilabag umanong batas-trapiko ang suspek kaya sinita. Huminto naman ang suspek pero nang lapitan ng biktima ay pinaharurot din ng suspek ang sasakyan kaya ito hinabol.

Nabangga ng biktima ang sasakyan ng suspek kaya napilitang huminto ang huli sa Mel Lopez Boulevard at doon na pinagbabaril ang biktima.

Tumakas ito gamit ang motorsiklo ng traffic enforcer.

Inaalam ng pulisya kung karnap ang iniwang kotse ng suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.