Una sa Balita

Track record ni Leviste bulatlatin

By
0 610

PINALALANTAD ng isa pang kongresista ang track record ng solar power company na pag-aari ng anak ni Senador Loren Legarda na si Leandro Leviste para magkaalaman kung talagang may kakayahan ito na magkaloob ng murang kuryente hanggang sa mga liblib na lugar sa bansa.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, miyembro rin House committee on legislative franchises, hindi naman idinetalye sa mga isinagawang pagdinig kung ano ang track record ni Leviste.

“Ilabas nila ang track record. Kasi doon sa hearing walang lumabas na track record ni Le­viste. Ang sinasabi…nandoon si Leviste, kinukuwento niya lahat ‘yung mga magagandang nangyari sa mga project nya. Pero walang sinasabi na masama…Batay sa pini-present niya marami siyang projects na ginawa niyang mga solar pero walang sinabi na may pumalpak. Dapat may nagsabi na may pumalpak. Dapat may nagsalita doon na may pumalpak,” pahayag ni Batocabe sa panayam ng Abante kahapon.

“Dapat ang intensiyon nu’n and very clear ‘yun sa sinasabi namin sa komite na nandoon siya para tulungan ang mga unserved areas, ‘yung hindi napupuntahan… at actually ang presentation niya sa lahat ay ‘yung mga mahihirap na bayan at dinala niya pa ang mga mayor doon. ‘Yun ang intensiyon nu’n,” dagdag ng kongresista.

Binanggit ni Batocabe na mainam naman ang hangarin ng SPBC at susuportahan niya ito kung talagang masusu­nod ang layunin na makapagbigay ng elektrisidad sa mahihirap lugar.

Pero kung makakagulo lamang anya sa operasyon ay tututulan ito ng kongresista.

Samantala, tikom ang bibig ni Senador Loren Legarda hinggil sa kontrobersiyang nilikha ng inihaing panukalang batas sa kamara na magbibigay ng tinaguriang ‘mega solar franchise’ sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) na pag-aari ni Leviste.

Nauna rito ay lumutang ang impormasyon na tinawagan diumano ng senador ang mga kongresista at ang secretariat ng komite na dumidinig sa prangkisa ng SPBC. Maging ang chief of staff umano nito ay tumawag din sa Kamara.

Matatandaang binakbakan din ni Senior De­puty Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ang pang-iimpluwensiya diumano ng senador dahil anak nito ang may-ari ng SPBC.

“‘Yun ang pakiusap ng maraming ano eh… alam mo, wala akong pakialam kung anak siya (Leviste) ng sino man. Basta ang aking pagbabasehan kung ano ang kakayahan niyang i-deliver ang pa­ngako niyang murang elektrisidad,” pahayag ni Atienza sa panayam ng Abante kamakalawa.

Kahapon ay tinangkang hingan ng reaksiyon ng Abante si Legarda kaugnay sa isyu sa kompanya ng kanyang anak pero tumanggi itong magpa-interview.