Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Trabahong hi-tech at digital

0 155

Isa po sa pinakamahalagang sektor ng ekonomiya ang edukasyon sapagkat ito ang pundasyon ng mga oportunidad sa ating bayan lalo na po ang trabaho at kabuhayan ng ating mga mamamayan.

Isa po sa mga batayan ng mga mamumuhunan para magnegosyo o mag-relocate sa bansa ay ang kalidad ng edukasyon at antas ng skills ng mga graduates.

Kaya napakabigat na usapin ang job-skills mismatch o ang hindi pagkakatugma ng mga itinuturo sa mga eskwelahan at ang skills na kailangan ng mga employer.

Ito po ang isa sa mga pangunahing suliraning tinugunan ng Educational Commission na nagbigay-daan sa pagtatatag ng TESDA noong 1994.

Nang mabigyan tayo ng pagkakataong pamunuan ang ahensya mula 2010 hanggang 2015, inaksyonan natin ang mandato ng TESDA na magpatupad ng world-class training at maging katuwang ng gobyerno sa paglikha ng trabaho.

Nang maging Kolehiyo ng Trabaho ang TESDA, tumaas ang kumpyansa ng mga employer sa mga tech-voc graduate at umakyat pa sa mahigit 70% ang employment rate. Ibig sabihin, pito sa bawat sampung TESDA graduates ang agad nagkakaroon ng trabaho sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon.

Dahil dito, umabot sa 10 milyong Pilipino ang nabigyan ng training ng TESDA sa loob lang ng limang taon mula 2010 hanggang 2015 at panibagong 10 milyong Pilipino mula 2016 hanggang 2021.

Ang tagumpay na ito ng TESDA at ang pangangailangang maituloy ang mga nasimulang reporma sa tech-voc na nagbigay daan sa trabaho, magagandang trabaho para sa ating mga kababayan ang nagtulak sa ating lumahok sa halalan sa pagka-senador noong 2016.

Ipinagpatuloy natin ang mga reporma sa tech-voc, pinalawig ang scholarship program ng TESDA at isinulong ang mga batas na akma sa mga pagbabago sa rehiyon ng Southeast Asia kung saan kabilang ang Pilipinas at sa international community.

Mula po noong 2016, mahigit sa 500 mga panukalang batas at resolusyon ang sinulong natin sa Senado bilang Chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education at Senate Committee on Labor.

Lohikal po ang ugnayan ng dalawang Komiteng pinamumunuan natin sa Senado lalo na para tugunan ang isyu ng job-skills mismatch sa gitna ng patuloy na pag-unlad ng digital technology at sa nararanasan na nating new normal bunsod ng COVID-19 pandemic.

Isa po sa halos 100 na mga batas na inakda at sinulong natin ay ang Philippine Competencies Competitiveness Program o ang Tulong-Trabaho Act na nagtatag ng pondo para sa skills upgrading o ang pag-aangat ng kakayahan ng mga unemployed at existing workers para makasabay sa maraming pagbabago sa ating mga pagawaan.

Naisabatas din po natin ang Philippine Qualifications Framework o PQF na isang radikal na reporma sa paraan ng pagkilala sa mga kakayahan ng mga Pilipino na natutunan nila hindi lang sa loob ng mga paaralan kundi sa iba’t ibang larangan at mula sa kanilang work experience.

Bago ang pandemya, may nagaganap ng “new normal” sa ating mga industriya, epekto ng makabagong teknolohiya. Pinaigting ng tinatawag na Fourth Industial Revolution ang paggamit ng Robot, Artifical Intelligence, at Internet of Things sa mga factories.

Ang skills upgrading sa tulong ng Tech-Voc ang susi para hindi mapag-iwanan ang ating mga manggagawa. Noon at hanggang ngayon, TESDA ang humahanap ng paraan para iangat ang skills ng ating mga manggagawa.

Sa gitna ng mga pagbabagong dala ng digital technology at COVID-19 pandemic, “skills upgrading” po, sa tulong ng sinulong nating Tulong Trabaho Scholarship Program ng TESDA, PQF Law at ang inilalaban nating Digital Careers Act ang mga “booster” para sa mga trabahong hi-tech at digital.

Leave A Reply

Your email address will not be published.