Una sa Balita

Trabaho sa Pilipino, ‘di lang sa Tsino

0 96

Kumusta mga kaba­yan? Ako po si Erin Tañada, ang inyong bagong kabalitaktakan dito sa Abante.

 Sa mga hindi nakakakilala, ginugol ko ang halos apatnapung taon ng aking buhay kasama ng mga estudyante, magsasaka at manggagawa para baguhin ang ating bansa. Ako po ay isang abogado na nanilbihan sa House of Representatives bilang kinatawan ng Ika-apat na Distrito ng Quezon at naging deputy speaker noong 2010-2013. Tulad po ng aking tatay na si dating senador Wigberto Tañada, na anak naman ng isa sa ating mga bayani at da­ting senador, Lorenzo ‘Ka Tanny’ Tañada, nais kong sumunod sa yapak nila at mapabilang sa Senado. 

 Noon pong nagdaang Kongreso, siguro’y matatandaan ninyong isinulong ko ang Freedom of Information bill sa paniniwalang mapapayabong nito ang kaalaman nating mga kababayan sa mga kaganapan sa ating pamahalaan.  Bagama’t dumaan ito sa samu’t saring pagsubok na dumating pa sa halos magsaulian kami ng kandila ng ilan kong mga kaibigan, pinanindigan ko po ito upang maging batas.

 ‘Yan po ang katangian ng isang taga-Quezon at isang Tañada—hindi umaatras sa laban, harapin man ang delubyo, tiyak maninindigan. Namana ko po ito sa aking lolo na nakulong, pinahirapan noong Batas Militar ngunit nanindigan para sa katarungan.

 Kaya naman po, hindi ko maiwasang hindi talakayin sa una nating pagniniig sa kolumn na ito ang balitang 112,000 Tsino daw ang nagpapasasa sa mga trabahong dapat ay sa Pilipino.

 Walang problema kung mapupunta sa mga Chinoy o Chinese Pinoys ang mga trabahong ito. Malapit sa ating mga puso ang mga Chinoy.

 Ang masakit ay ang makita nating inaagawan ng trabaho ng mga dayuhang Tsino ang ating mga kapwa Pilipino. Ang malaking tanong ay bakit nananahimik si  Labor Secretary Silvestre Bello at hindi gumagalaw pati si Immigration Commissioner Jimmy Morente laban sa mga illegal worker na Tsino. Ayusin sana nila ito at sana’y imbestigahan din ito ng ating mga mambabatas para ayusin ang batas na magtatanggol sa ating mga Pinoy na manggagawa.

  Ang isang Pilipinong naagawan ng trabaho ay isang buong pamilyang nahaharap sa kagutuman. Dapat gumawa na ngayon pa lamang ng mga hakbang ang admi­nistrasyong Duterte para maitama ang kawalang katarungang ito.