Una sa Balita

Trabaho sa Pilipinas, kaya ng Pilipino

By
0 1,414

Nakakalungkot po na may mga nagsasabing kulang ang suplay ng mga skilled worker sa bansa kaya tumatanggap na tayo ng mga dayuhang manggagawa, partikular ang mga Chinese migrant worker.

Sa loob lamang po ng 11-buwan noong isang taon, umabot po sa 185,000 Special Working­ Permit o SWP ang ibinigay ng Bureau of Immigration (BI) habang nasa 115,000 lamang na mga Alien Employment Permit o AEP ang ibinigay ng DOLE sa loob ng naunang 3-taon.

Dahilan kung bakit nanawagan po tayo noong isang linggo sa Senado habang pinag-uusapan ang panukalang buget ng BI na pag-aralan ang legalidad ng SWP.

Sa ginawa po nating pag-aaral, walang basehan sa batas ang pag-i-issue ng BI ng mga work visa sa mga dayuhan.
Tanging DOLE lamang po ang may kakayahang magsabi kung ang isang partikular na trabaho ay hindi kayang gampanan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng Labor Market Test.

Taon-taon, umaabot po sa 800,000 libo ang mga bagong graduate sa kolehiyo samantalang nasa 2-milyon ang nabibigyan ng tech-voc training kada taon. Dagdag pa po ang 1.3-milyon graduate ng Senior High School noong 2018.

Samakatuwid, mahirap pong sabihing walang sapat na bilang ng mga Pilipinong puwedeng gumawa sa mga trabaho sa construction, BPO, hotel and restaurant, at iba pa.

Naiulat din po ng DOLE na may dagdag na 9,761 na mga bagong trabaho sa PhilJobNet samantalang sa NCR pa lang, nasa 48,621 na ang mga active jobseeker.

Ayon po sa gobyerno, target nitong makalikha ng aabot sa 1.1 milyon trabaho ngayong 2019.

Malinaw pong kulang na kulang at halos ¼ lamang po ito ng pinagsama-samang bilang ng mga college, tech-voc at K-12 graduate sa loob lamang po ng iisang taon.

Kaya huwag naman po sanang mauna pang bigyan ng trabaho ang mga dayuhan. Kayang-kaya pong punan at gampa­nan ng mga Pilipino ang mga trabaho sa Pilipinas. Hindi po tayo papayag na manakaw ang mga trabahong ito.

Para naman po sa mga bagong graduate, maaari kayong mag-apprentice o on-the-job (OJT) training para lalong tumaas ang tyansa n’yong matanggap sa pinapangarap na trabaho.

Job Fair Schedule
PESO Taguig Job Fair
Taguig City
January 28

Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job Fair
LGU Cotabato City
January 30

CGU-Santiago Job Fair
Robinson’s Place
Mabini, Santiago City, Isabela
February 1

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More