Una sa Balita

Trabaho sa informal sector protektahan

By
0 693

Tindera po ng daing at tinapa sa Macapagal Ave­nue sa Pasay City si Aling Medy Camposanto, 70 taong gulang at taga-Rosario, Cavite.

Araw-araw, bitbit po n’ya ang dalawang ba­yong ng mga produktong isda na nilalatag n’ya sa maliit na mesa habang naka-puwesto sa isang waiting shed na daanan ng mga emple­yado ng Senado at GSIS.

Pitong taong gulang lang daw po siya nang mamulat sa pagdadaing at pagtitinapa. Hindi rin po siya nakapagtapos ng high school.

Aniya, minana pa n’ya ang trabahong ito sa kanyang mga magulang at kahit dapat ay retirado na siya ngayon, kailangan pa n’yang kumayod dahil sa kanya umaasa ang kanyang mga anak at apo.

Katuwang po n’ya sa pagtatrabaho ang isa sa limang anak n’ya na itinuturing n’yang ‘laborer’ dahil ito ang nag-aangkat ng isda at katulong n’ya sa pagluluto. Inaabutan ni Aling Medy ang anak depende sa kita sa isang buong araw na pagtitinda.

Nakipag-kuwentuhan po tayo kay Aling Medy para lubos nating maunawaan ang kalagayan ng kababayan nating nasa ‘informal sector’.

Wala po silang social protection benefits tulad ng SSS, Pag-Ibig at Philhealth at hindi rin sila sakop ng ating Labor Code.

Nakakagulat nga pong marinig mula kay Aling Medy na kahit minsan ay hindi pa siya nakatapak sa loob ng bangko at hindi man lang nakahawak ng passbook o ATM. Dahil dito, sa ‘5-6’ na lang daw po siya tumatakbo kapag kulang ang puhunan.

Ang laborer at anak naman po ni Aling Medy ay hindi rin sakop ng minimum wage, overtime at holiday pay, at iba pang mga benepisyong itinatadhana ng Labor Code.

Ang masaklap, ilang beses na po diumanong na-demolish ng mga awtoridad ang kanyang puwesto noon at nagpapasalamat daw po siya sa pamunuan ng Senado at GSIS na pinapayagan siyang magbenta nga­yon sa kanilang mga empleyado.

Sa mga susunod na araw, dadalhin po natin ang Committee Report ng ‘Magna Carta for Workers in the Informal Economy’ sa plenaryo ng Senado para masimulan na rin po ang debate at umaasa po tayong magiging batas ito bago matapos ang 17th Congress.

Gagarantiyahan po ng ating panukala ang mga karapatan at bibigyan ng proteksyon ang mga tulad ni Aling Medy lalo na po ang mga social protection benefit gayundin ang skills training at puhunan sa pagnenegosyo.

Job Fair Schedule
Foundation University Job Fair
Dr. Miciano Road, Dumaguete City
Negros Oriental
January 23
45th Dinagsa Job Fair
Cadiz City Arena
January 24
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy